KathNiel hindi pa handang magsama sa isang bahay: Magpapakasal muna kami...

KathNiel hindi pa handang magsama sa isang bahay: Magpapakasal muna kami…

Reggee Bonoan |January 13,2021
share this

KathNiel hindi pa handang magsama sa isang bahay: Magpapakasal muna kami…

Reggee Bonoan | January 13,2021 - 05:14 PM

SA finale zoom mediacon ng TV series na “The House Arrest of Us” nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo kaninang tanghali ay natanong ang dalawa tungkol sa pag-level up ng kanilang relasyon.

Magaganap na kaya very soon ang pinakahihintay ng lahat na marriage proposal ni DJ kay Kathryn dahil nga maraming celebrities na ang nag-announce ng kanilang engagement last year.

Kabilang na nga riyan ang kaibigan ng KathNiel na si Patrick Sugui at ang fiancée nitong si Aeriel Garcia na binigyan nila ng engagement party sa isang yate.

Dati kasi ay nabanggit ng aktor na limang taon o higit pa ang hihintayin nila bago mangyari ang pangarap nilang kasal.

Say ni Daniel, “Hindi namin puwedeng biglain ‘yung mga ganyang bagay. Sa amin ha? Siyempre iba-iba naman ang trip ng lahat. Pero kami kasi parang nakaplano ‘yun, nakalista ‘yung mga dapat naming gawin para hindi rin kami ma-rattle sa mga decision na gagawin namin.

“Kapag binigla n’yo ‘yung isa’t isa, doon papasok ang mga problema. Kapag masyadong biglaan ang mga bagay, baka du’n kami biglang magkaproblema. Nilalatag muna namin ang mga bagay, pinaplano namin,” paliwanag ng aktor.

Nabanggit naman ni Kathryn na uunahin muna nila ang bridesmaid at groomsman duties nila sa kanilang mga kaibigan bago nila isipin ang sarili nilang kasal.

“Chill muna tayo. May mga kaibigan kaming engaged. Duty namin maging best bridesmaid and groomsman muna. Iba rin naman ‘yung age namin sa kanila. Like what DJ said kanina, iba-iba tayo ng timing lahat.

“Kami siguro komportable kami na bago tumalon sa ganyang klaseng buhay, kailangan ready kami. Ayaw namin na masira ‘yung relationship just because hindi kami ready pareho,” magandang katwiran naman ng aktres.

Sabi pa ni Kathryn, isa sa natutunan nila sa pelikulang “The How’s of Us,” “Yun yung natutunan namin sa movie, na kailangan pareho kayong ready and ‘yung pamilya namin ready. Baka mahimatay si mama and Tita Karla (Estrada) kapag biglang sinurprise namin sila. Aayusin muna namin ‘yung sa mga kaibigan naming ikakasal. Huwag tayo magpa-pressure just because nag-propose sila, dapat kami rin.”

Pero siniguro naman ng KathNiel na sila na ang para sa isa’t isa. Paano nasabi ni Daniel na si Kathryn na ang para sa kanya, “Perfect siya for me because una, I always say this, she makes me a better person. ‘Yun lang naman ‘yung sa akin.

“Kapag nawawala ako sa sarili, binabalik lang niya ako nang binabalik. Masyado akong makulit na bata. Si Kathryn ‘yung gumagabay sa akin. Siya ang ilaw ko,” aniya pa.

Sabi naman ng aktres, “Hindi perfect ‘yung relationship namin. Hindi ako perfect, hindi rin siya perfect and alam naman namin ‘yun. Pero ‘yun ‘yung nakaka-excite, ‘di ba? Kaya nga masaya siya, kung anong adventure man itong pinasok namin, ilang taon na pero hanggang ngayon nandito pa rin kami because it’s worth it.”

Kahit sabihing sila na ang para sa isa’t isa ay inamin ng dalawa na hindi pa rin sila handang magsama sa iisang bubong.

“Hindi pa siguro, hindi pa kami handa magsama sa isang bahay. Magpapakasal muna kami saka kami magsasama sa isang bahay dahil si Kathryn nandiyan pa si Lhexine (pamangkin ni Kath), bata pa si Lhexine. Siya ang ate nu’n. Binabantayan niya pa.

“Ako naman, nandiyan pa ‘yung mga kapatid kong babaita na binabantayan ko pa rin. Marami pa kaming mga bantayang magaganap. Magpapakasal muna kami,” esplika ng aktor.

Samantala, natanong din sila kung may sequel na ba ang “The House Arrest of Us”, “Siguro House to house Arrest. Dine-develop na sa mga kuwentuhan namin. Tinitingnan namin ang mga possibilities, puwedeng out of the country, sa season 3 siguro ‘yan.

“Out of town muna ‘yung season 2. Maraming naglalaro sa mga utak namin actually, ng buong cast, nagbi-brainstorm kahit paano kapag nagkikita-kita kami kasi excited kami na magkaroon ng season 2 ang The House Arrest of Us,” pahayag ni Direk Richard Arellano.

Posible bang magkaroon na ng anak sina Q at Korics sa sequel? “Depende sa dalawa kung gusto na nilang magkaroon ng baby,” saad ni direk Richard.

Ang #THAOUFinaleEpisode ay mapapanood na sa Sabado, Enero 16, 2 p.m. sa KTX.ph at 9 p.m. sa iWantTFC at TFC IPTV.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending