Yan ang hugot post ng dating aktres at singer na si Ali Sotto sa kanyang Instagram account na nakalagay nga sa isang quote card.
Nilagyan niya ito ng Tagalog caption na, “Huwag na huwag mong tanggapin ang menos sa nararapat para sa iyo.
“Tandaan: itinuturo mo sa iba kung paano kang tratuhin.
“Magpapatuloy kung ano ang iyong papayagang magpatuloy. Huwag kasing maging doormat.”
Kaya ang tanong ng kanyang mga tagasuporta at IG followers: may kinalaman nga kaya ito sa bigla niyang pagkawala sa programa nila ni Arnold Clavio sa DZBB na napapanood din sa GMA News TV?
Marami ang nagtatanong kung bakit nga kaya hindi na napapanood ang radio broadcaster at host sa show sa radyo at wala na rin ang programa nila ni Igan tuwing umaga na “Dobol A sa Dobol B.”
Ang napapanood na ngayon sa timelot ng dati nilang show ay ang “One on One: Walang Personalan” kung saan ang co-host nga ni Igan ay si Rowena Salvacion.
Tanong ng mga netizens kay Ali kung bakit nawala siya sa radyo, nag-resign ba siya o tinanggal? Babalik pa raw ba siya o lilipat na sa ibang news organization.
May isa naman ang nagsabi na baka raw nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan ni Igan o ng management kaya hindi na siya nag-report sa show. Sigurado raw may malalim na dahilan ang pagkawala niya sa DZBB.
Walang sinagot si Ali sa mga nagkomento sa kanyang post kaya hindi nabigyan ng linaw ang issue.
Nauna rito, may isa pang cryptic post si Ali sa IG na pinaniniwalaang may kinalaman din sa nasabing kontrobersya.
Aniya, “Be with someone who thanks God for you.” Hindi niya ito nilagyan ng caption pero may iniwan siyang makahulugang mensahe sa comments section tungkol sa mga taong nagbibigay halaga sa importansiya mo bilang tao.
“Doon ka sa taong pinasasalamatan ang Panginoon na kasama ka niya – someone who appreciates and values your presence, and who knows your worth.
“Dahil kung hindi niya pinahahalagahan ang presensiya mo, iregalo mo sa kaniya ang pagkawala mo sa buhay niya,” lahad ni Ali.
Bukas ang BANDERA para sa paliwanag nina Ali, Igan at ng management ng DZBB para sa ikaliliwanag ng nasabing issue.