HINDI pipigilan ni Matteo Guidicelli ang magiging anak nila ni Sarah Geronimo sakaling pasukin din nito ang mundo ng showbiz.
Game na game na sinagot ng TV host-actor ang mga tanong tungkol sa magiging baby nila ng kanyang wifey sa ginanap na virtual presscon ng bagong season ng talent search na “Born To Be A Star” kahapon.
Humarap ang aktor sa media bilang host ng nasabing reality singing competition mula sa Viva TV at TV5 na muli ngang mapapanood simula sa Jan. 30. Makakasama niya rito bilang co-host ang aktres na si Kim Molina.
Sa nasabing mediacon, natanong nga si Matteo kung naniniwala ba siyang “born to be a star” ang magiging anak nila ni Sarah at kung papayag ba siyang pasukin din nito ang pag-aartista.
Tugon ng TV host-actor-singer, “Tingnan natin, si Teacher Georcelle ang bahalang mag-groom diyan kumbaga. Pasalihin din natin sa show na ‘to ha, Sir Jake?” na ang tinutukoy ay si Georcelle Sy ng G-Force na isa sa mga star agent o judge ng programa at si Jake o Jay Montelibano na executive ng Viva TV.
Hindi ba siya kokontra kung pag-aartista rin ang magiging future ng baby nila ni Popstar Royalty? “Siyempre, kung anuman ang gustong gawin ng baby namin in the future, e, di suportahan natin, di ba?”
Samantala, excited na si Matteo sa pag-ere ng “Born To Be A Star” sa TV5 dahil ito ang unang project niya ngayong 2021.
“This show is really really exciting because, first off, you have Kim Molina. She’s a very, very funny, energetic host.
“And of course, we have these star agents na tinatawag namin.They have their own specific personalities that will shock all our ‘talaviewers.’
“And also our applicants (contestants), they’re very, very good and they come from different backgrounds na siguradong mag-e-enjoy ang talaviewers nating lahat,” ani Matteo.
Bukod kay Teacher Georcelle, kasama rin sa show bilang judge sina Andrew E., Jenine Teñoso, Sam Concepcion at Katrina Velarde.
Ipakikita ng programang ito ang journey ng mga contestants simula audition kung saan masusi silang pagpipilian ng mga Star Judges.
Labing-walo mula sa 40 na nag-audition ang tutuloy sa boot camp kung saan sasailalim sila sa training ng mga Star Mentors na sina Thyro, Wency Cornejo at Mark Bautista na kapwa eksperto sa pagpe-perform, pagsusulat ng kanta, at paggawa ng areglo ng musika. Ang Star Judge na si Teacher G ay kasama rin sa pagtuturo para ma-develop ang stage presence ng mga kalahok.
Sa oras na magsimula ang singing battle, magkakaroon ng eliminasyon. Sisiguraduhin ng programa na kahit sinoman ang mapauwi ay may baon pa ring bagong kaalaman.
Habang hinahanap ng “Born To Be A Star” ang natatanging contestant na pinakaangat sa lahat, ang lahat ng kalahok ay bibigyan ng kanilang sariling panahon para angkinin ang entablado at ipakita ang kanilang husay sa pagkanta, pati na rin ang magandang personalidad.
Lahat ay may pagkakataong ipakita kung bakit sila ay bituin sa kanilang pamilya, trabaho, o kumunidad.
Ang grand champion ay tatanggap ng P1 milyon at recording at management contract mula sa Viva. Magsisimula na ang “Born To Be A Star” sa Enero 30, Sabado, 7 p.m. sa TV5.