Uumpisahan na ng House Committee on Constitutional Amendments ang paglakay sa panukalang pag-amyenda sa 1987 Constitution.
Sa gagawing pagdinig, inimbitahan sina dating National Economic and Development Authority chiefs, Gerardo Sicat at Ernesto Pernia, Dr. Raul Fabella ng UP School of Economics, Jose Enrique Africa ng Ibon Foundation, at Calixto Chikiamco at Gary Olivar ng Foundation for Economic Reform.
Ayon sa chairman ng komite na si Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin Jr. walang political amendment proposal na tatalakayin sa muling pagbubukas ng pagdinig para sa panukalang amyenda sa Saligang Batas.
Lilimitahan lamang anya ng Kamara sa proposed economic provisions ang pagtalakay na base na rin sa tagubilin ni House Speaker Lord Allan Velasco.
Malinaw ayon kay Garbin na nakasaad sa Resolution of Both Houses No. 2 na inihain ni Speaker Velasco na ang amyenda sa mga economic provisions ng Saligang Batas lamang ang tanging agenda sa itinutulak nito.
Nakasaad sa naturang resolusyon na ilalagay lamang ang mga katagang “unless otherwise provided by law” ang anila’y “restrictive” economic provisions ng Konstitusyon.
Sa ganitong paraan, sinabi ni Garbin na mabibigyan nang kapangyarihan ang Kongreso na baguhin ang mga sinasabing restrictions na ito para makapaghikayat ng foreign investments sa oras na kailanganin ito ng ekonomiya ng bansa.