Tambalang Joross-Roxanne may magic pa rin kahit may kanya-kanyang pamilya na

NATATAWA kami sa trailer ng bagong iWantTFC series na “Hoy, Love You” na pagsasamahan ng ex-lovers na sina Joross Gamboa at Roxanne Guinoo.

Nakakaaliw kasi ang palitan ng dialogue ng dating magka-loveteam na makalipas nga ang ilang taon ay muling mapapanood sa reunion project nila na magsisimula na sa Enero 18.

Akalain mo pagkalipas ng mahabang panahon at may kanya-kanya na silang pamilya ay naroon pa rin ang maganda nilang chemistry.

Naalala tuloy namin ang mga nagawa nilang proyekto noon tulad ng “Natutulog Ba Ang Diyos” (2007), “Gulong Ng Palad” (2006), “Love Spell” (2008) at siyempre ang “SCQ Reload” (2005) kung saan nakasama nila sina Sandara Park at Hero Angeles. Dito rin nakitaan ng magic ang loveteam nina Joross at Roxanne na nakilala nga bilang JoRox.

Inamin nina Joross at Roxanne na mas mature na kilig ang mapapanood ng kanilang fans sa bago nilang serye dahil pareho silang gaganap bilang single parents na mag-isang itinataguyod ang kani-kanilang anak.

“Ibang-iba siya sa ginagawa namin way back from SCQ (Star Circle Quest). Ang kilig at approach niya, naka-level din sa edad namin. Hindi lang kami magpapasaya pero mang-iinspire din sa mga pamilya, sa mga bata, sa mga single parent na mabuksan ang pananaw nila para magmahal ulit,” pahayag ni Roxanne.

Say naman ni Joross, “Ang maganda rito, ‘yung ganitong topic, kapag nilagyan mo ng humor it becomes light. So mas madaling matanggap ng audience at mas madaling ikuwento since it is not that heavy. Meron itong aral at eye-opener sa viewers ito.”

Gagampanan nina Joross at Roxanne ang karakter nina Jules at Marge, dalawang single parent na ang tanging hangarin ay mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak.

Pagkatapos mabiyudo ay naging masigasig lalo si Jules ang kanyang trabaho bilang contractor habang inaalagaan ang kanyang anak na architecture student (Brenna Garcia).

Si Marge naman ay interior designer mula Manila na iniwan ng dati niyang kasintahan na si Richard (Dominic Ochoa) at mag-isang itinataguyod ang kanilang anak na si Charles (Aljon Mendoza).

Dahil sa kanilang mga propesyon, magsasama sa isang construction project sa Lobo, Batangas sina Jules at Marge at doon sila magkakakilala at unti-unting mahuhulog ang loob sa isa’t isa.

Nagsimula ang problema nang muling bumalik ng Pilipinas at susubukang makipagbalikan ni Richard kay Marge at nangakong tutuparin ang lahat ng pangarap ng mag-ina bilang isang buo at masayang pamilya.

Makakasama rin sa “Hoy, Love You”  sina Karina Bautista, TJ Valderrama, Pepe Herrera, Yamyam Gucong, Keanna Reeves at Carmi Martin. Mula ito sa direksyon ni Theodore Boborol.

Libreng mapapanood ang “Hoy, Love You” sa darating na Enero 18 sa iWantTFC app (iOs at Android) o sa iwanttfc.com. Mayroon itong anim na episodes na isa-isang ilalabas araw-araw tuwing 8 p.m. hanggang Enero 24.

Mapapanood din ang mga ito sa mas malaking screen dahil available na rin ang iWantTFC sa mga piling smart TV brands, ROKU streaming devices at Telstra TV para sa users na nasa labas ng Pilipinas.

Read more...