Umalma ang ilang senador sa naging pahayag ng Palasyo na hindi dapat mamili ang taumbayan kung anong klaseng bakuna laban sa Covid-19 ang maaring iturok sa kanila.
“Sabi ni Sec. Roque, hindi pwede maging choosy. Pero sabi niya rin na si Presidente mismo ay namimili pa between Russian and Chinese vaccines. Kung si Presidente pwedeng mamili, dapat ang taumbayan ay malaya ding makakapili at kalusugan nila iyan,” ani Senator Risa Hontiveros sa isang pahayag ngayong Martes.
“Klaro sa mga survey na may agam-agam ang publiko sa kaligtasan ng bakuna, pero parang ang mensahe mula sa Palasyo ay ‘conform or get COVID’. Dehado ang mga Pilipino sa galawan na yan,” dagdag ng senador.
Nauna dito, sinabi ng tagapagsalita ng Palasyo na si Secretary Harry Roque na hindi dapat maging ‘pihikan’ ang mga tao sa pagpili ng gagamiting bakuna sa kanila.
“Totoo po, meron tayong lahat na karapatan para sa mabuting kalusugan pero hindi naman po pwede na pihikan dahil napakaraming Pilipino na dapat turukan,” ani Roque.
Maging si Senator Panfilo Lacson ay pumalag sa naging pahayag na ito ng Palasyo.
Hindi aniya patas na sabihing hindi dapat mamili ang mga Pilipino kung ano bakuna ang ibibigay sa kanila ng gobyerno.
“Masama na nga na ang gobyerno ang mistulang may kontrol kung anong bakuna ang bibilhin. Pati ba naman ang pagpili kung ano ituturok sa braso ng mga Pilipino, hindi pa rin pwede mamili ang Pilipino?” ani Lacson sa isang hiwalay na pahayag.
“Bakit ko naman pipiliin ang brand na 50% lang ang efficacy at wala man lang application for Emergency Use Authorization (EUA) kumpara sa ibang brand na 79% o 95% ang efficacy at naghihintay na lang ng EUA approval mula sa Food and Drug Administration?”
Umaasa na lang si Lacson na maayos pa ring maipapatupad ng gobyerno ang mga planong inilahad nito sa ginawang pagdinig ng Senado nitong Lunes.
Walang silbi aniya ang magagandang plano kung hindi naman ito maisasagawa ng maayos.
Sa gitna ng nasabing pagdinig, inihayag din ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang pagtutol sa sinabi ni Roque.
“I don’t like the idea—with all due respect to Sec. Roque, who just came out in the news today—Sec. Roque said you can’t choose what vaccine to take. Sabi niya, we cannot daw choose what vaccine to take. I think that’s not a fair assessment,” ani Zubiri.