Tinawag na “suntok sa buwan” ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang planong pagbili ng gobyerno ng 148 milyong doses ng bakuna laban sa Covid-19 ngayong taon para sa 70 milyong Pilipino.
“Parang suntok sa buwan ang vaccination program lalo na yung sinasabi nila na 148 million doses within the year,” ani Drilon sa isang pahayag ngayong Martes.
“Ni hindi pa nga alam kung kailan darating (ang bakuna). Paano nilang masasabi na makakabili sila ng 148 milyon doses bago matapos ang 2021 kung hanggang ngayon wala pa tayong binigay na Emergency Use Authorization (EUA) sa kahit anong bakuna at di pa tayo nakakakuha ng perang pambili ng mga bakuna?”
Ito ay sa kabila ng pahayag ng Food and Drug Administration na handa na silang mag-isyu ng EUA ngayong linggo.
Imbes na malinawan, sinabi ni Drilon na mas lalo syang nalilito ngayon kung paanong ipapatupad ng gobyerno ang planong pagbakuna sa mga tao laban sa Covid-19.
Maging ang taumbayan aniya ay bigong makakuha ng katiyakan sa planong ito ng gobyerno.
“Maganda lang sa papel ang plano. Pero puno ito ng kawalang katiyakan at ang malaking bahagi ay pawang pagbabaka-sakali,” dagdag pa ni Drilon.
Bagamat naglaan ang gobyerno ng kabuuang P82.5 bilyon para sa bakuna, nilinaw ng senador na P12.5 bilyon pa lamang nito ang may tiyak na pagkukunan ng pondo habang ang P70 bilyon ay nakapaloob sa “pondong wala sa programa” sa badyet ng 2021.
Ayon kay Drilon, posible pa rin namang mangyari ang gusto ng gobyerno na mabakunahan ang 70 milyong Pinilipino ngayon taon kung papayagan ang mga lokal na pamahalan at pribadong kompanya na direktang bumili sa mga kumpanya ng gamot.
Sa ngayon, kinakailangan munang dumaan sa gobyerno ang lahat ng gustong bumili ng bakuna laban sa Covid-19.