Unang kinatakutan sa buhay ni Iyah Mina: Yung maging open ako sa family ko na tanggapin ako…
ISA sa matinding kinatakutan noon ng transgender actress na si Iyah Mina sa kanyang buhay ay ang pag-amin sa pamilya ng tunay niyang pagkatao.
Ayon sa unang transwoman best actress sa kasaysayan ng Philippine Cinema (nanalo noong 2018 para sa ‘Mamu And a Mother Too’), marami rin siyang mga pagsubok na pinagdaanan at mga bagay na kinatatakutan.
Pero aniya, “Mas gusto kong harapin yung katotohanan kasi naniniwala kasi ako kapag gumawa ka ng kuwento kailangan alam mong tapusin ito kasi hindi ka gagawa ng isang problema kung hindi mo kayang lagpasan.
“Mas okay na maging totoo ka sa lahat para hindi sumikip yung nasa paligid mo. Mas okay na totoo ka na lang,” lahad ni Iyah sa nakaraang virtual mediacon ng first iWanTFC drama anthology na “Horrorscope” kung saan bibida siya sa isang episode.
Kasunod nito, sinabi nga ng aktres na isa sa pinakamahirap na moment sa buhay niya ay nang magdesisyon na siyang mag-come out sa pamilya noong 20 years old siya at nag-aaral na sa college.
“Patago pa akong nagdadamit panlalaki sa bahay. Pagdating sa school, naka-change outfit na ako, ganun. Babae na akong naka-uniform.
“Matigas lang yung ulo. Ha-hahaha! Sa buhay ko, yung pagiging ako, yung maging open ako sa family ko na tanggapin ako.
“Yun yung unang-unang kinatakutan ko at eventually nalagpasan namin at sila mismo ang yumakap sa akin at tinanggap ako. Kaya mas okay na sabihin mo yung katotohanan kesa itago mo sa mga mahal mo sa buhay,” paliwanag pa ni Iyah.
Isa pa sa mga pagsubok na hindi na niya malilimutan sa buong buhay niya ay nang magkaroon siya ng COVID-19 at nagpapasalamat siya sa Diyos dahil binigyan pa siya ng second life.
Samantala, matapos ngang gumaling sa COVID-19, sumabak na rin uli sa trabaho si Iyah, kabilang na riyan ang iWanTFC drama anthology na “Horrorscope” na mapapanood na sa Jan. 13.
Tinanggap daw niya ang nasabing project kahit may banta pa rin ng pandemya dahil, “Unang-una pangarap ko talaga yung horror. Pangarap ko talaga yung ganung eksena tapos may comedy pa tapos may halo halong drama. Kaya naaliw ako.
“Pero sa lock in shooting naman, magulo ang isip ko. May takot ako minsan na na-ho-homesick din ako. Pero kung para sa future din naman talaga ay push na push naman talaga. Lalaban yung anxiety, ganu’n. Para sa future din ng aming trabaho. In fairness, yung isang araw na yun na-haggard ako pero masaya.
“Ang saya kasi nu’ng pagdating sa set akala ko ilang sequence lang. Akala ko may pahinga. Talagang umupo ako, ‘Oh my God naka-seven sequences ako sabay higa.’ Tapos sabi sa akin ng staff, ‘Ms. Iyah, papaalala ko lang sa inyo ha, bida kayo dito.’
“Nakalimutan ko kasi sa quarantine nasa bahay lang tayo araw-araw hindi na ako sanay. Kaya ayun, masaya,” natatawa pang kuwento ng aktres.
Bibida si Iyah sa episode ng “Horrorscope” na “Leo”, “Isa akong fashion designer dito tapos may sariling shop na mismong bahay ko tapos yaman yaman ang transgender na fashion designer.
“And then may dumating na lalake na si Paulo Gumabao. Dahil sobrang in love, may nangyaring iba and nakahanap ng iba si Paulo, na-in love sa isang tunay na babae. Dahil sa kabaliwan ko, may ginawa akong masama dun sa girl and then dun na umikot.
“Nagpakamatay si Paulo and gusto kong mabuhay siya so du’n na umikot yung kuwento, kung ano bang mangyayari sa akin,” patikim niya sa mga manonood tungkol sa bagong project.
Ngayong 2021, wish ni Iyah na mas maging maayos na ang buhay ng mga Filipino at para naman sa kanyang sarili, “Marami pang pangarap of course. Yung pagiging Best Actress bonus na lang yun pero pinagdasal ko yun ng sobra-sobra.
“Marami pa kong gustong mangyari lalo na sa family ko. Yung yung pinaka-focus ko ngayon yung sa family ko at tuloy tuloy na trabaho of course.
“At sana maging open pa sa aming mga trans actors and actresses lalo na sa LGBTQ community, maging open pa sa amin ang ganitong pagkakataon na maibilang sa mga pelikula, sa mga serye, na meron ding talento ang mga nasa LGBTQ community,” pahayag pa ni Iyah.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.