Pumalag ang poet at Pinoy rock icon na si Dong Abay matapos umugong ang balitang siya ang lalaking may hawak na walis tambo nang salakayin ng mga tagasuporta ni Pangulong Donald Trump ang Capitol Hill sa Washington nitong Miyerkules.
Sa kanyang post sa Facebook, sinabi ng dating lead vocalist ng rock band na Yano na sasampahan niya ng kaso ang mga nagpakalat ng “fake news” na siya ang nasa larawan.
“This is to inform the public that I’m pursuing a cyber libel case to be administered by a U.S. lawyer against Gemma Nemenzo and Rodel Rodis for spreading fake news,” wika ni Abay.
Sinabi ni Abay na si Rodis, isang Filipino-American na immigration lawyer na nakabase sa California, ang nagpakalat na ang Pinoy na musikero ang taong nasa viral na larawan na binansagan ng ilang netizens na si “Captain Walis Tambo” dahil sa kanyang costume na mala-superhero habang may hawak na walis tambo.
“I don’t f*cking care if you’re an immigration lawyer or a Filipino-American because I’m a rockstar. #boomer #boomerang,” wika ni Abay.
Pinatunayan ng ilang kaibigan ni Abay na nasa Pilipinas ang rocker nang maganap ang madugong pagsalakay ng mga maka-Trump sa Capitol sa layong mapigilan ang Kongreso ng US na isertipika ang tagumpay ni Joe Biden sa halalan.
Depensa naman ni Rodis na nakuha lamang niya ang impormasyon sa isang nagngangalang Gemma Nemenzo.