Ito ang inamin niya nang magbalik-tanaw sa lahat ng mga pagsubok na hinarap niya at ng kanyang pamilya noong nakaraang taon sa pamamagitan ng bago niyang vlog sa YouTube.
Ayon kay Jelai, October last year nang malaman niyang nagpositibo siya sa COVID-19 pati na ang iba pang miyembro ng kanyang pamilya.
Nangyari raw ito noong panahong unti-unti nang nakakalabas ang mga tao at nakakabalik na ang karamihan sa pagtatrabaho. May mga offer at raket na rin siyang natatanggap makalipas ang ilang buwang nakatengga lang sa bahay.
“Isa sa pinaka, pinaka, pinakakinakatakot ko nangyari sa amin at hindi n’yo alam. Hindi ko nai-share, hindi ko shinare sa inyo is nagka-COVID po kaming lahat. Kaming lahat.
“Alam mo ‘yun, pinakadadasal mo na huwag kayo magkaroon pero ang hirap kasi sobrang nakakatakot talaga,” ang pahayag ni Jelai sa kanyang latest vlog.
Pagpapatuloy pa niya, “Hindi po biro ang magka-COVID. Ang hirap, sobra. Nahirapan ako, hindi para sa akin kundi para doon sa mga kasama ko, sa pamilya ko, lahat kami sa bahay po.”
Ibinahagi rin ni Jelai ang ilang video clips kung saan makikita ang pakikipaglaban niya sa killer virus.
Makikita rito ang komedyana na hirap na hirap sa kanyang kundisyon habang umiiyak.
Sabi ng Kapuso actress, siya raw ang talagang matinding tinanaan ng COVID. Halos lahat daw ng sintomas ay naramdaman niya tulad ng sipon, ubo, lagnat, hirap sa paghinga at pananakit ng katawan.
Akala raw talaga niya ay mawawala na siya pero binigyan pa siya ng chance ni Lord na mabuhay. Mabuti na lang din daw at hiwalay ang bahay ng magulang niya kaya hindi nahawa ang mga ito.
Ayon pa kay Jelai, nakuha raw niya ang virus sa pinsan niyang frontliner na ilang beses niyang nakasama that time. Negative pa raw ito noong magkasama sila pero may kasamahan daw ito sa trabaho na nagpositibo kaya nagkahawaan na raw sila.
Okay na okay na ngayon si Jelai at nagpapasalamat siya sa Diyos na gumaling siya agad at nakabalik na rin ng trabaho tulad ng upcoming Kapuso series na “Owe My Love” at naging regular na rin siya sa weekly comedy show na “The Boobay and Tekla Show.”
Sa huli, nagbigay din siya ng mensahe sa lahat ng kanyang supporters, “Mahalin po natin ang mga family natin. Ingatan po natin sarili natin. Bakit ako umiiyak…ang saya ko kasi nakasama ko ‘yung family ko ngayong holiday.
“Sobrang thankful ako kasi nalagpasan natin ‘yung mga ganu’ng pangyayari, ‘yung mga trials sa life natin. Masaya ako kasi nag-Christmas kami nitong nakaraan na magkakasama,” aniya pa.