Ruru susugal sa ‘sapatos business’ ngayong 2021; Richard napalaban agad kay Uge sa pagko-comedy

BUKOD sa paghahanda para sa biggest action-adventure series ng GMA Public Affairs na “Lolong”, handang-handa na rin ang Kapuso actor na si Ruru Madrid sa kanyang business venture ngayong 2021.

Sa pagpasok ng Bagong Taon, nais ni Ruru na mas mapabuti pa ang kanyang buhay at matupad ang iba pa niyang pangarap — isa na nga riyan ang pagsisimula ng kanyang shoe business.

“Ang lagi kong sinasabi, ang wish ko lang talaga is maging better lang ang lahat, maayos lang lahat. Kasi alam naman nating lahat na itong 2020 ay hindi naging maganda para sa atin,” pahayag ng hunk actor sa panayam ng GMA.

Aniya pa, “So this year, makikisabay lang ako sa flow. Ayoko na kasing mag-expect. Like last year ganyan din eh. Sabi ko sa sarili ko na ‘Dapat ganiyan,’ ‘Dapat ganito’ ‘Next year gagawin ko ito.’ Siguro go with the flow.”

“And ‘yung mga matagal ko nang pinaplano before, kailangan this year magawa ko na. Magtatayo ako ng business ng sapatos, itutuloy ko na ‘yan.”

Dagdag pa niya, “Lagi kong sinasabi na every year dapat ma-reach ko ‘yung goal ko na katawan. Dapat next year maging mas healthy ako, ganiyan. Uulitin ko lang ulit ‘yon.

“Kasi kahit paano, kahit hindi ko naman naa-achieve totally ‘yung gusto ko, kahit paano may nangyayari naman, so ganu’n na lang din,” chika pa ni Ruru.

Samantala, mapapanood na very soon si Ruru sa GMA Public Affairs series na “Lolong” kasama sina Shaira Diaz at Arra San Agustin.

“Kailangang mas magpursigi ako dito sa ‘Lolong.’ Kung dati ang ibinibigay ko 100%, kailangan this time dodoblehin ko, titriplehin ko pa. Ganoon magiging dedicated sa trabaho,” pahayag pa ng Kapuso actor-singer.

                          * * *

Marami na ang excited sa nalalapit na paglabas ng bagong Kapuso star na si Richard Yap sa comedy anthology na “Dear Uge” sa Linggo (Jan. 10).

Kahit na kapipirma pa lang ni Richard sa Kapuso Network noong Dec. 16, sumabak na agad ang aktor sa taping para sa kanyang first ever Kapuso project. Makakatambal dito ni Richard si Eugene Domingo.

Sa Instagram ay ipinasilip ni Uge ang ilan sa mga eksena nila ni Richard, “Our very first fresh episode for 2021 with Richard Yap! Abangan this Sunday sa #DearUgePresents Jing, ang Bato!”

Bukod sa “Dear Uge” ay bibisitahin din ni Richard ang “The Boobay and Tekla Show” na bahagi ng kanyang plano na sumubok ng ibang genre bukod sa heavy drama at romcom kung saan siya nakilala.

Read more...