Magpasyal ng aso, pumunta sa zoo. Walang kakaiba sa pang-araw-araw na pakikipagsapalaran ni John Dillermand sa bagong pambatang palabas sa telebisyon sa Denmark.
Pero ang hindi karaniwan, madalas ang kwento ng kanyang adventure ay umiinog sa sobrang mahaba niyang titi.
At maging sa itinuturing na pinaka-progresibong bansa sa daigdig, ang mga kwento ng isang lalaking “may pinakamahabang pototoy sa mundo” ay lumikha ng debate kung ano nga ba ang naaangkop sa programang ang target na manonood ay mga batang may gulang na mula apat hanggang walong taon.
“Naniniwala kami na mahalagang mailahad ang mga kwento tungkol sa katawan ng tao,” ayon sa post sa Facebook nitong Martes ng public broadcaster na si DR.
“Sa serye, kinikilala natin ang tumitinding kuryosidad (ng mga bata) tungkol sa kanilang katawan at mga pribadong bahagi nito, pati na rin ang kahihiyat at ligayang nararamdaman nila sa kanilang katawan,” wika pa niya.
Mapapanood sa pambatang channel na Ramasjang, ang unang 13 episode ng Dillermand ay napanood na ng may 140,000 beses mula lamang ng ito ay simulang ipalabas noong Enero 2.
Ang sobrang mahabang ari ni John ay madalas na susi sa mga nakakatawang sitwasyon. May eksena pa na nagpalutang-lutang siya sa buong siyudad habang nakatali ang kanyang titi sa balloon.
“Isa itong palabas na napaka-Danish. Mayroon kaming tradisyon na itulak ang hangganan at gamitin ang pagpapatawa at sa tingin namin ay normal lamang ito,” ayon sa eksperto sa edukasyon na si Sophie Munster.
Pero may mga myembro ng publiko na nagpapahayag ng kanilang galit at pakadismaya sa palabas na inatake na rin ng konserbatibong myembro ng parlyamento na si Morten Messerschmidt.
“Sa palagay ko ang panonood ng ari ng isang adult na lalaki ay hindi dapat ginagawang normal para sa mga bata. Ito ba ang tinatawag ninyong serbisyo publiko?” wika ni Messerschmidt sa kanyang Facebook post.
Pagtatanggol naman ni Munster, “Ang debate ay ayon sa perspektiba ng isang adult, kung saan ang mahabang titi ay na sexualized. Iba ang pagtingin dito ng mga bata.”
“Eksaherado ang laki ng titi (sa palabas) kaya naman alam ng mga bata na ito ay isa lamang biro o pagpapatawa.”