‘Balita, hindi anime’: Nancy Binay pabor sa pagbabalik ng ABS-CBN

Napatunayan ng mga sunod-sunod na sakunang kinaharap ng bansa noong nakaraang taon at ng umiiral na pandemya ang pangangailangan na maibalik sa ere ang ABS-CBN.

Ito ang tahasang sinabi ni Senator Nancy Binay ngayong Martes sa harap ng mga inihahaing panukalang batas sa Kongreso na naglalayong muling bigyan ng prangkisa ang broadcast network.

“Noong nakaraang taon nang hinagip tayo ng sunod-sunod na bagyo, ramdam ng marami ang kakulangan ng impormasyon lalo na iyong mga nasa remote barangays at malalayong isla na umaasa sa balita mula sa radyo at TV,” wika ni Binay.

“We could have saved more lives if people were well-informed about the heavy rains and typhoons,” dagdag pa niya. “Sad to say, government and other networks fell short in bridging the information gap.”

Noong nakaraang Mayo, pinahinto ng National Telecommunications Commission ang operasyon ng ABS-CBN matapos na ibasura ng Kongreso ang panukalang batas na magpapalawig sa prangkisa nito.

Ito ay sa harap ng mga pagbabanta ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya papayagang makakuha ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN dahil sa umano’y campaign ad na hindi isinahimpapawid ng network noong tumatakbo pa siya sa pagka-presidente.

Nitong Lunes, naghain si Senate President Vicente Sotto III ng panukalang batas na naglalayong mabigyan ng panibagong legislative franchise ang ABS-CBN.

Sa mababang kapulungan, naghain din ng kaparehong panukalang batas si Deputy Speaker Vilma Santos-Recto.

Sinabi ni Sotto na anim na mga senador ang nagpahayag ng intensyong maging co-author ng panukalang batas. Ito ay sina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, sina Senador Panfilo Lacson, Sonny Angara,  Joel Villanueva, Sherwin Gatchalian, at Binay.

“I share my colleagues’ position in the Senate to support ABS-CBN’s franchise renewal dahil higit na kailangan ngayon ng taumbayan ang totoo at tamang balita sa gitna ng mga isyu ng pandemya at pagbabakuna,” wika ni Binay.

“Higit sa mga palabas na anime, we need a strong voice that can reach even the farthest household with news and information that matter.”

Read more...