HINDI pa tuluyang gumagaling ang bacterial meningitis ng Asia’s Nightingale na si Lani Misalucha.
Ito ang kanyang inamin kasabay ng pagpapasalamat sa lahat ng mga nagparamdam ng pagmamahal at malasakit sa kanilang mag-asawa, lalo na sa mga patuloy na nagdarasal sa mabilis nilang paggaling.
Nang dahil sa kanyang sakit biglang nawala si Lani sa Kapuso reality singing competition na “The Clash” season 3 kung saan isa siya sa mga judge kasama sina Christian Bautista at Ai Ai delas Alas. Si Pops Fernandez ang pansamantalang pumalit sa kanya.
“Unang-una sa lahat, maraming salamat sa mga nagsuporta sa akin, lalung-lalo na ang aking mga fans, nandiyan sila lagi, they always check up on me.
“Marami akong kaibigan diyan na nagtatanong kung ano na ang nangyari sa amin, kung kumusta na ba kami.
“Maraming-maraming salamat po sa mga nagdasal para sa amin para ma-complete na nga talaga ang aming healing,” ang pahayag ni Lani sa guesting niya sa “All Out Sundays”.
Aniya pa hinggil sa update ng kanyang kundisyon, “Ngayon po, sa sitwasyon ko ngayon, dito ko na rin sasabihin, may konting progress. But bingi pa rin po talaga ako, honestly, itong right ear ko, hindi pa rin po talaga nakakarinig.
“At saka konting movement ng head ko at saka kapag naglalakad or whatever o mayroon akong activity na ginagawa, talagang matindi po talaga yung hilo,” aniya pa.
“So sana, eventually, mawala na ito at talagang completely kami ay pagalingin na ng Panginoong Diyos,” lahad pa ng OPM icon.
Samantala, hiling naman ni Lani sa pagpasok ng Bagong Taon ang mas mapayapa at masaganang buhay para sa sambayanang Filipino.
“Siguro naman lahat tayo ay nakaranas ng misfortunes o kaya trial nga. Siguro I’m looking forward to, of course, a better 2021 for all of us. You know, maaaring nakaranas tayo ng health issues, medical, lahat-lahat, o financial, and even death in the family or sa friends natin.
“So, sana mas brighter itong tatahakin natin na bagong taon na ‘to. Para sa ating lahat, ang wish ko lang ay magandang pangangatawan. Definitely, good health for all of us and sana pumasok pa ang magandang pinansyal sa atin mga bahay, sa ating mga bulsa, para sa ating lahat.
“Sana marami pa tayong magandang trabaho na gagawin sa taon na ito. At sana, unti-unti nang ma-revive ang lahat-lahat ng business diyan and of course, sa ating sitwasyon, sa ating entertainment business,” ang dasal pa ni Lani para sa mga Pinoy sa buong mundo.