11 lalaki kinasuhan sa pagkamatay ng flight attendant

 

 

Mula sa Instagram ni Christine Dacera

Labing-isang lalaki ang sinampahan ng provisional na kasong rape with homicide kaugnay sa pagkamatay ng isang flight attendant sa hotel sa Makati City noong Bisperas ng Bagong Taon.

Si Christine Angelica Dacera, 23, taga General Santos City, ay natagpuang walang malay sa bathtub ng hotel kung saan siya at 11 iba pa ay magkakasamang nagdidiwang para sa pagpapalit ng taon. Dalawang magkadikit na kwarto ang inokupa ng grupo.

Idineklara si Dacera na walang buhay sa Makati Medical Center kung saan siya isinugod.

Ayon kay Makati City police chief Col. Harold Depositar, probisyonal pa lamang ang kasong isinampa ng pulisya noong Lunes dahil hinihintay pa ng piskalya ang resulta ng awtopsiya at pati na rin ang toxicology report kaugnay sa pagkamatay ni  Dacera na isusumite ng Makati City police ngayong Martes.

Tatlo pa lamang sa 11 na respondents ang lumitaw, ayon kay Depositar.

“Only three of them were Dacera’s friends. The others were practically strangers to her, as they were only known to her three friends,” ayon kay Depositar.

Sinabi niya na lahat ng kasama ni Dacera sa party noong Bisperas ng Bagong Taon ay kinasuhan.

Sa kuha ng closed circuit television (CCTV), makikita na palipat-lipat ang 11 lalaki sa dalawang silid na okupado ng grupo. Ganundin, sapol sa CCTV ang eksenang buhat-buhat ng mga lalaki si Dacera papasok sa isa sa mga kwarto.

Nang tanungin kung ano ang basehan ng pagsasampa ng kasong rape with homicide, sinabi ni Depositar na: “The victim had lacerations and sperm in her genitalia.”

May mga pasa rin at galos sa kanyang kamay at binti, wika ni Depositar.

Ang Makati Medical Center ang nag-report sa pulisa ng Makati City sa pagkamatay ni Dacera. Tatlong kaibigan niya at isang  hotel staff ang nagsugod sa kanya sa ospital matapos na matagpuang walang malay sa bathtub ng hotel.

Mula sa ulat ng Philippine Daily Inqurier
Read more...