Sinimulan na ng New York Stock Exchange (NYSE) ang proseso ng delisting ng China Telecom Corp Ltd. at dalawa pang telcos na umano’y pagmamay-ari o kontrolado ng Chinese military.
Kaugnay ang hakbang na ito sa kautusan na inilabas ni President Donald Trump noong Nobyembre na nagbabawal sa mga mamamayan ng US na maglagak ng kapital sa mga kumpanya ng China na pinaniniwalaang may ugnayan sa militar.
Matatapos ang trading sa China Telecom ngayong linggo batay na rin sa mga transaksyon na kailangang ayusin, ayon sa pahayag ng NYSE.
Nauna na rito ay sinabi ng US Federal Communications Commission (FCC) na sinimulan na rin ang pagbawi sa awtorisasyon ng China Telecom na mag-operate sa US.
Ayon kay FCC Chairman Ajit Pai, ilang ahensiya ng pamahalaan sa US ang nagrekomenda ng rebokasyon ng lisensya ng China Telecom dahil sa isyu ng pambansang seguridad.
Sinabi ni Pai na matinding nababahala ang mga opisyal na kayang pwersahin ng Beijing ang China Telecom na magbigay ng impormasyon, kabilang na ang mga nasasagap nitong komunikasyon.
Ang China Telecom, na may 40 porseyntong pagmamay-ari sa third telco player sa Pilipinas na Dito Telecommunity, ay isa sa Big Three na kumpanya ng telekomunikasyon sa China. Nagbibigay ito ng wireline mobile telecommunications at internet access, ayon sa isang ulat ng US Senate na ipinalabas noong Hunyo.
Nagseserbisyo ang kompanya sa mahigit 335 milyong subscribers sa buong mundo hanggang noong Disyembre 2019 at sinasabing pinakamalaking fixed-line at broadband operator sa buong mundo, ayon pa sa report.
Ayon sa FCC may malaking kontrol ang Chinese Communist Party sa China Telecom.
Maliban pa sa usapin ng kontrol at pagmamay-ari, sinabi ni Pai na iginiit ng security agencies na hindi sumunod ang China Telecom sa cybersecurity at privacy laws, at nagbibigay-daan sa pag-espiya ng China sa ekonomiya ng US at disruption sa U.S. communications traffic.
Noong nakaraang taon ay ipinagbawal ng FCC ang paggamit ng U.S. subsidies sa pagbili ng communications equipment mula sa ZTE Corp. at sa isa pang China-controlled telco.
Kapwa pinabulaanan ng dalawang kompanya ang alegasyon na banta sila sa seguridad ng US.
Samantala, ang iba pang index providers kabilang na ang MSCI Inc, S&P Dow Jones Indices at Nasdaq, ay tinanggal na rin ang maraming kumpanya ng China sa kanilang listings.
May ulat ng Agence France-Presse at Reuters