Lito Bautista, Executive Editor
Sa Camp Aguinaldo, sinalag ng mga opisyal ang pangamba na aagawin ng militar ang poder kapag nagkaroon ng failure of election. Oo nga naman. Di pa puwedeng agawin ng militar ang poder, bilang tugon sa atas ng Saligang Batas ni Corazon Aquino, kung ang dahilan lang ay failure of election. Kaya pang lutasin ng mga sibilyang opisyal ang failure of election.
Papasok lamang ang militar kung magkagulo, tulad ng nais ng oposisyon at Komunista. Susundin ng militar ang atas ng Saligang Batas kapag nagkagulo na dahil hindi tumulong ang oposisyon at Komunista para maging tagumpay ang halalan.
Ito namang si ex-Brig. Gen. Danilo Lim, na nakakulong dahil sa kasong pag-aalsa sa Makati Regional Trial Court at sa Court Martial ng Armed Forces, magkakaroon naman daw ng military revolt dahil sa pananaw ng Korte Suprema na puwedeng maghirang si Pangulong Arroyo ng chief justice sa kabila ng election ban.
Susme naman. Parang hindi ka heneral. Oo nga pala. Matagal ka nang nakakulong. Marami nang nagbago sa militar. Marami nang naiba ang pananaw simula nang dalawin ni Leon Panetta (direktor yan ng US Central Intelligence Agency) si Gibo Teodoro, nang siya ay naglilingkod pa sa tanggulang pambansa. Naiba na rin ang pananaw ng ilang heneral nang kausapin si Teodoro ng kalihim ng US defense department.
BANDERA, 031910