Ina Feleo puring-puri si Yasser Marta: Naaalala ko ‘yung sarili ko sa kanya nu’ng nagsisimula ako

PURING-PURI ng award-winning character actress na si Ina Feleo ang Kapuso young actor na si Yasser Marta.

Gumaganap na mag-ina sina Ina at Yasser sa GMA afternoon drama series na “Bilangin ang Bituin sa Langit” kung saan kasama rin nila sina Nora Aunor, Mylene Dizon, Zoren Legaspi at Kyline Alcantara.

Ayon kay Ina na anak nina Johnny Delgado at Laurice Guillen na siyang direktor ng “Bilangin ang Bituin sa Langit”, nakikita niya ang kanyang sarili kay Yasser noong nagsisimula pa lang siya sa mundo ng showbiz.

“Actually, naaalala ko ‘yung sarili ko sa kanya noong nagsisimula ako na, you know, parang na he really is very open.

“Kita mo ‘yung, passionate siya sa sarili niya, sa buhay niya. Passionate siya pero at the same time, nagsisimula pa lang siya dito sa industriya.

“Yung minsan may kulang sa confidence, ‘yung ganu’n, pero very lucky din na si Mommy din ‘yung direktor niya na talagang sinupport siya talaga dito ni Mommy,” tuluy-tuloy na kuwento ng Kapuso actress.

Maswerte rin daw si Yasser dahil talagang inaalagaan ni Direk Laurice ang lahat ng mga eksena nila sa kanilang serye. Napakarami rin daw isine-share na acting tips ng kanyang ina sa lahat ng cast members ng “Bilangin Ang Bituin Sa Langit.”

“May mga eksena siya (Yasser) na talagang bumababa si mommy ng (director’s booth) kumbaga pinupuntahan siya sa set, which is halos hindi na ginagawa ngayon ni mommy ‘yun, e.

“Pinupuntahan siya tapos explain siya na, ‘This is your space, use your space.’ Yung ganu’n kasi kahit naman ako, ang tagal bago ko na-feel na, ‘yung confidence lang na sige, gawin mo ‘yung gusto mong gawin. Sobrang hirap nun, e, para sa artista,” sey pa ni Ina.

Mapapanood na uli ang “Bilangin Ang Bituin Sa Langit” simula ngayong araw sa GMA Afternoon Prime pagkatapos ng “Prima Donnas.”

Hindi na nga makapaghintay ang netizens sa muling pag-ere ng fresh episodes ng inaabangang GMA Afternoon Prime series.

Sa inilabas na teaser ng programa, ipinasilip nila ang mga bagong eksenang hindi dapat palampasin ng Kapuso viewers. Agad na sinalubong ito ng positive feedback sa comments section.

Say ng netizens, mas naintriga sila dahil mas pinatindi raw ang mga kaganapan base sa close-up shots sa teaser kaya lalong mas nakakapanabik ito. Ang mga nasabing eksena ay kinunan sa nagdaan nilang lock-in taping sa San Mateo, Rizal.

Read more...