Anak ni Ogie Diaz malaki na ang kita sa YouTube: Sabi ko kakaltasan ko siya ng 10% para pambayad ng ilaw

LAKI sa hirap ang talent manager na si Ogie Diaz kaya naman ang bawat sentimong kinikita niya ngayon ay kanyang pinahahalagahan.

Nang dahil sa pagtitiyaga at diskarte ay nakaipon talaga siya, nakapagpatayo ng sariling bahay, may negosyong build and sell at marami pang iba.

Ayaw ni Ogie na maranasan ng kanyang limang anak na babae ang hirap na napagdaanan niya kaya magaan ang buhay ng mga bagets, pero hindi sila spoiled dahil may kundisyon ang tatay nila kung may gusto silang bilhin ay kailangan nilang mag-ipon para makuha ito.

Since online class ngayon ang mga anak ni Ogie at walang gaanong pinagkakagastusan kaya naiipon nila ang mga baon nila.

“Every week may baon silang tig-1,000, hinuhulog ko ‘yun sa G-cash nila after a month, may 4k sila. So kung anong gusto nilang bilhin sa online galing sa baon nila ang pambayad nila, hindi sa akin,’’ kuwento ni Ogie nang makatsikahan namin kamakailan.

Isa sa anak ni Ogie na si Cory ay nasira ang laptop kaya wala siyang gagamitin sa online class niya.

Napanood namin ang vlog ng komedyante sa YouTube na kinakausap ang anak at tinanong kung bakit nasira ang laptop at inaming namali ang paglalagay niya rito sa bag.

“Sabi ko, bakit mo inilalagay sa bag, e, hindi ka naman umaalis ng bahay, wala ka namang pasok kasi online class kayo?  Medyo takot sa akin mga anak ko kasi bihira ako magalit at ayaw ko sa lahat ng hindi nagsasabi ng totoo,’’ ayon kay Ogie.

Dagdag pa nito, “Dabi ko, since wala ka pang pampagawa ng LCD, gamitin mo ang cellphone mo. Naawa ako siyempre, pero hinayaan ko para magtanda, nakikita ko sa CCTV, cellphone gamit niya sa online class tapos yung mga kapatid niya laptop.”

At dahil malakas kumita sa YouTube ang panganay ni Ogie na si Erin Diaz ay naawa rin ito sa kapatid kaya binilhan ng bagong laptop.

“Si Erin, panganay ko, huminto sa pag-aaral, napagod, imagine grade 11 na. Hindi ko pinilit kasi mahirap pilitin ang bata kung ayaw, kaya tinanong ko kung anong gusto niyang gawin habang hindi siya nag-aaral.

“Sabi niya gusto niyang magpahinga muna, payo ko sa kanya na subukan niyang mag-vlog baka nandoon ang interest niya, e, nu’ng una ayaw pa, pero biglang gusto na at siya na ang nag-iisip kung ano ang ilalaman niya.

“Kaya natuwa ako kasi ngayon napapakinabangan niya ‘yung mga araw na hindi siya pumapasok sa school at the same time, kumikita siya at nakakaipon pa,” kuwento ng kilala na ring vlogger ngayon bukod sa pagma-manage ng mga artista.

At nakagugulat nga si Erin dahil 52 videos palang ang na-upload niya ay may mahigit 400,000 subscribers na siya at ang pinakamataas niyang views ay nasa 2.2 million na.

Hindi solo ni Erin ang kinikita niya sa YT dahil, “Malaki na ang kinikita ni Erin kaya sabi ko kakaltasan ko siya ng 10% sa kita niya para pambayad ng ilaw. Dapat kasi ganu’n, bigyan mo sila ng responsibilidad para matuto. Pumayag naman.”

Nasa 17-18k a month ang kuryente nila at mababa na iyon dahil malaking tulong ang solar panel na nakakabit sa bahay nila dahil kung wala ito ay malamang na kulang 100,000 ang kuryente nila dahil sa rami ng gamit at lahat ng kuwarto ay may aircon, iba pa yung nasa salas.

Going back sa anak na nasira ang laptop, “Hayun na nga, nagsabi si Erin na bibilhan niya ng laptop ang kapatid niya kasi naawa siya, sabi ko, ikaw bahala, kasi ako kaya ko ring bilhan pero gusto ko lang matuto.  E siya na lang daw, regalo sa kapatid.

“Siyempre natuwa si Cory sa ibinigay ng kapatid, e, itong si Erin, pinrank pa ang kapatid, nakabalot, tapos nu’ng buksan, yung lumang laptop ang nakita. Ha-hahaha! Actually pinagawa ko na yun, gumastos ako ng 8k.

“Tapos nu’ng finally binigay na ni Erin ‘yung bagong laptop ni Cory, naiyak sa tuwa,” kuwento ni Ogie.

Read more...