Kiray Celis gustong ma-achieve ang kaseksihan ni Lovi; Ken Chan doble-pagtitipid sa 2021

KANYA-KANYANG paandar at pasabog na naman ang mga kilalang celebrities sa pag-welcome ng Bagong Taon.

Siyempre, goodbye na ang lahat sa taong 2020 na itinuturing ng halos lahat ng mga Pinoy na isang napakatinding pagsubok na nagdulot ng napakaraming kanegahan sa sambayanan.

Ngunit sa kabila nga nito, positibo pa rin ang mga Pinoy na mas magiging masaya, masagana at mapayapa na ang pagpasok ng Bagong Taon.

Tulad na lang ng Comedy Concert Queen na si Ai Ai delas Alas na abot-langit ang pasasalamat sa Diyos dahil nananatiling healthy ang kanyang pamilya.

“Walang nagka-COVID sa pamilya namin. Praise God! Thank you po. Sana wala talaga kailan pa man, hanggang sa matanggal na ‘yung COVID.

“Nagkaroon ako ng trabaho at saka natuto akong mag-bake. Na-survive namin ‘yung eight months kahit wala akong trabaho. Marami rin tayong dapat ipagpasalamat sa kabila ng mga nangyari last year,” ang chika ng Kapuso comedienne sa panayam ng GMA.

Aniya pa, “Sana matapos na itong pandemya and then sa next Christmas kasama ko na ‘yung anak ko, kumpleto kami.”

Para naman sa Kapuso hunk na si Ruru Madrid, ang goal niya this year ay ang matuloy na ang pinaplano niyang sariling business na matagal na raw niyang gustong gawin.

“Kailangan ko mas maging focused sa craft ko. I want to explore more. ‘Yung mga hindi natin nagawa before, magagawa na natin. I’m going to open a business this 2021. It’s a shoe business so hopefully, maging successful,” sabi ng binata.

Plano naman ni Ken Chan na karirin pa ang pagtitipid ngayong 21 para makaipon for his future. In fairness, isa sa mga ultimate dream ng binata ay natupad na niya last year, meron na siya ngayong limang gasoline station.

“Ngayong 2021, magdo-doble tipid ako. Number one ‘yan. Habang nandito kami sa industriya natin dito sa showbiz, mayroon tayong mga ginagawang business na kailangan talaga.

“Maraming pina-realize sa atin ang 2020 at isa na dito ‘yung mag-ipon, magtipid at magkaroon ng business,” sey ni Ken.

Ang isa naman sa mga goal ng Kapuso comedienne na si Kiray Celis ngayong taon ay ang mas maging fit and healthy pa.

Nais daw niyang gayahin ang disiplina at sipag ni Lovi Poe pagdating sa pagpapaganda ng katawan.

“My gosh, how to be Lovi Poe? Paano mag-work out ang isang Lovi Poe? Baka naman magtegi na ako doon sa sa pagwo-workout kasi for sure mahirap ang mga pag-wo-workout niya,” chika ni Kiray sa interview ng GMA. Magkasama sila ni Lovi sa upcoming GMA series na “Owe My Love”.

Hirit pa ng komedyana, “Pero tingnan natin next taping kung pumayat ako kasi sabi niya tutulungan niya ako. So ‘yun ang goal ko, pumayat. Abangan niyo ang abs ko this 2021.”

Read more...