Claudine nagsalita na tungkol sa chismis na naputulan ng koryente

CLAUDINE BARRETTO

Nasulat namin dito sa Bandera nitong Disyembre 29 ang istoryang ito, “Claudine naputulan ng kuryente sa bisperas ng Pasko, hindi nga ba nakabayad?”

Base ito sa kuwento ng legal counsel ni Claudine Barretto na si Atty. Ferdinand Topacio nang mag-guest siya sa Facebook Live show na Take It Per Minute nina ‘Nay Cristy Fermin, Mr. Fu at Manay Lolit Solis.

Pero matinding pinabulaanan ito ni Claudine. At imposible rin umanong mawalan sila ng ilaw dahil may sarili silang malaking generator katulad ng nakikita sa mga shooting na kayang pailawin ang buong kabahayan nila.

Base sa panayam ng  PEP, ipinaliwanag ng aktres na hindi sila nagkaintindihan ni Atty. Topacio dahil nang magpunta sa bahay nila ang abogado para madala ng regalo ay wala silang lahat. Dahil walang tao sa bahay, patay ang lahat ng ilaw nito.

Kaya siguro naisip ni Atty. Topacio na pinutulan sila ng kuryente dahil walang tao at walang ilaw.

Ang totoo ay binaha sina Claudine nitong nakaraang Bagyong Ulysses at kailangang palinisan ang buong first floor at patuyuin din ang lahat ng socket.  Kaya naman nag check-in muna sila sa hotel at saka tumuloy sa condo unit ng inang si Gng. Inday Barretto sa Bonifacio Global City.

At kaya rin ito kaagad kinurek ng mama nina Sabina at Santino (mga anak nila ni Raymart) ay para malaman ng lahat dahil nga pinuntahan siya ng taga-Meralco para ipaalam na hindi sila nagpuputol ng linya ng kuryente hanggang Enero 31, 2021 base sa Bayanihan Act ll.

Kaya ipinagdiinan ni Claudine na hindi totoong naputulan silang mag-iina ng kuryente kundi sadyang siya ang nagpapatay nito.

Nang ipaabot kay Atty. Topacio ang paglilinaw ni Claudine, eto ang kanyang sinabi sa PEP — iwanan na sa taong 2020 ang lahat ng balita.  Kung baga mag-move on na at sabay banggit ng pelikulang prodyus niya na kasama ang aktres sa cast.

So, promo lang ba ito sa pelikula?  In fairness, umingay ang pelikula, huh?

Read more...