Meryll Soriano ipinakilala na sa madlang pipol ang baby nila ni Joem Bascon

PALAISIPAN sa amin nu’ng ang ipinost ng aktres na si Meryll Soriano na larawang may karga siyang batang halatang bagong silang.

Sa isang litrato tila ipinakikilala niya sa kanyang boyfriend na si Joem Bascon ang sanggol.

May litrato namang hinahalikan ng aktor ang bata at ang isa naman ay magkakasama silang tatlo at kasama rin ang panganay na anak ng aktres kay Bernard Palanca.

Ang caption sa post ni Meryll, “2021! May this year be kinder to us all. May we all find peace, joy and love.

“New year, new hopes, new positive outcomes. Happy New Year from our family to yours!” aniya pa.

May mga nauna pang larawan na ipinost si Meryll isang linggo na ang nakararaan na nakatalikod siya kasama ang isang lalaking karga ang bata na may caption na, “Love you Papa.’’

Tingin namin ay si Willie Revillame ang tinutukoy ni Meryll na “Papa” na nasa larawan. Baka ipinakilala na niya sa TV host ang bago nitong apo.

“Nanganak na pala siya!” ang sabi naman ng aming source.

Anyway, nitong Dis. 17 ay may blind item kaming lumabas dito sa BANDERA na may titulong “Kilalang aktres, buntis sa dyowang award-winning actor.”

Hindi muna namin pinangalanan sina Meryll at Joem base na rin sa pakiusap ng aming source na isang direktor.

At ngayong nag-post na ang aktres ng larawan nila nina Joem 11 hours ago habang sinusulat namin ang balitang ito ay naisip namin na pangalanan na namin sila.

Naniniwala kaming blessing ang bawat sanggol na isinisilang kaya tama lang ang ginawa nina Meryll at Joem na ipaalam sa buong mundo ang pagsilang ng kanilang anghel.

Naghiwalay noong 2010 ang dalawa at nabalita ngang nagkabalikan nga ilang buwan na ang nakararaan.

Read more...