Charlie Dizon sinabihan ang nanay na huwag panoorin ang Fan Girl: Kinakabahan ako…

TAON ng Kapamilya young actress na si Charlie Dizon ang 2020. Kung ang ibang kabataang artista ay natengga at nawalan ng trabaho, binabagyo naman ng blessings ang dalaga.

Hindi pa man humuhupa ang kaligayahang nararamdaman niya dahil sa tagumpay ng pelikula nilang “Four Sisters Before the Wedding”, heto’t niregaluhan pa siya ng best actress award para sa Metro Manila Film Festival 2020 entry na “Fan Girl.”

Siguradong hindi rin inasahan ni Charlie na magtatapos ang kanyang taon nang ganito kabongga kaya naman abot-langit ang kaligayahang nararamdaman niya ngayon.

“From Four Sisters masayang masaya ako sa naging reactions ng tao kasi grabe din yung pressure na naramdaman ko dahil sobrang iconic nung mga ginampanan namin lalo na yung character ko na si Teddie na ginampanan before ni Ms. Toni Gonzaga.

“So masaya lang ako na tinatanggap ng tao ng maganda yung mga ginagawa namin. Mas nakaka-inspire na gusto namin galingan.

“Actually sobrang kinakabahan ako sa mga susunod pero masayang masaya ako sa mga nangyayari,” pahayag ng aktres.

Samantala, kung siya lang ang masusunod, ayaw niyang mapanood ng mga magulang niya ang pelikula nila ni Paulo Avelino sa MMFF 2020, lalo na ang mga nakakalokang intimate scenes nila ng aktor.

“Hindi pa (nila napapanood). Kinakabahan pa rin ako sa totoo lang. Sinabi ko sa mommy ko na huwag niya panoorin. Pero kasi madami daw nagme-message sa kanya na mga friends niya kaya nababalitan niya.

“Hindi namin napag-usapan ni Paulo yung mga eksena na yun so for in my case nabigla na lang ako. Pero nagtiwala naman ako kasi alam ko na planado din nila yun and alam nila yung gagawin.

“Kumbaga nawarningan naman nila ako dati na parang surprise din para maging raw and mas natural yung magiging reactions ko. Nagtiwala na lang ako kay direk Tonette (Antoinette Jadaone) and kay Pau na mapapaganda namin yung eksena,” paliwanag pa ni Charlie.

Sa panayam naman ng media sa dalaga noong virtual mediacon ng “Fan Girl” sinabi ni Charlie na inalagaan din siya ni Paulo sa halos lahat ng kanilang eksena.

“Naging mabait siya nu’ng shooting namin. Kumbaga naging patient siya talaga at tinulungan niya ako para mas mapaganda yung mga eksena namin. And kahit hindi niya eksena, kahit eksena ko lang, tumutulong siya talaga,” lahad pa niya.

Nag-react din si Charlie sa mga kumalat na screenshots ng eksena ni Paulo sa movie kung saan nagpakita ng kanyang ari ang nagwagi ring best actor sa MMFF 2020,

“Nung una nakaka-feel bad na yun yung nakikita ng tao, kasi iniisip ko na sana mas makita nila na maganda yung pelikula, mas may storya talaga at mas may sense.

“Yung iba kasi masaya sila na nakikita na ganu’n yung kumakalat na pictures. Pero thankful din yun sa mga tao na nanood legally and talagang nag-stay para panoorin yung pelikula kasi nagustuhan nila yung kabuohan ng pelikula.

“Kasi minsan yung photos na ganun naa-out of context sa mismong story. Kumbaga, hindi nila alam ano naman pinanggalingan nung photos na yun kung yun lang yung nakita nila. Pero thank you nga sa sumuporta lalo na nung nakita nila yun,” chika pa ng young actress na nakatalo kina Nora Aunor, Iza Calzado at Sylvia Sanchez sa taunang filmfest.

Read more...