Kung si Gretchen Barretto ang huhusga at magdedesisyon tungkol sa kasong ihinain ni Raymart Santiago tungkol sa kustodiya sa kanilang mga anak ni Claudine ay ibibigay niya ang pangangalaga sa mga bata sa aktor.
May boses si Gretchen para sabihin ‘yun dahil una, kilalang-kilala niya ang kanyang kapatid na bunso, alam din niya ang mga nangyayari sa buhay ng mag-asawa lalo na nu’ng magkasundo pa silang magkapatid.
Ayon kay Gretchen ay mas mabibigyan ng tamang pag-aalaga sina Sabina at Santino kung si Raymart ang makakasama ng mga ito. ‘Yun ay kung siya lang naman ang magdedesisyon tungkol sa problema ng mag-asawa.
Natural lang na magiging dahilan na naman ng pagwawala ni Claudine ang sinabi ng kanyang kapatid, kung sino pa nga naman kasi ang inaasahan nitong magtatanggol sa kanya ay ‘yun pa ang kumokontra, panibagong isyu na naman ‘yun na magiging dahilan ng malalimang away ng magkapatid.
Pero opinyon lang naman ni Gretchen ‘yun, hindi niya naman sinasabi na siya ang dapat pakinggan ng husgado, basta para sa kanya ay mas karapat-dapat makasama ng mga bata ang kanilang ama.
Nakakalungkot ang mga ganitong komento para kay Claudine, marami tuloy ang nagsasabi na paano nito makukuha ang kanyang gusto, samantalang mismong mga kadugo ng aktres ay hindi naniniwalang mabibigyan nito ng magandang buhay at kinabukasan ang kanilang mga anak ni Raymart?
Hindi siguro inakala ni Claudine na aabot sa ganito ang kanilang problema ni Raymart, ang akala siguro ng aktres ay wala lang ‘yun, pero umabot na nga sila sa husgado.
Suportado si Raymart ng kanyang pamilya, sa ginanap na hearing kahapon ay nandu’n ang kanyang mga kapatid, isang katangiang wala si Claudine Barretto dahil sila mismong magkakapatid ay nagbabangayan.
Napakalaking bagay pa naman ng suporta ng pamilya sa anumang klase ng laban. Sila ang nagpapatatag sa atin, ang pinagkukunan natin ng tapang, ang nagsisilbing balikat na iyakan natin sa mga panahong sumusuko na tayo.
( Photo credit to Google )