HINDI lang mga kapwa niya celebrities dito sa Pilipinas ang tuwang-tuwa sa pagkapanalo ni Charlie Dizon ng best actress sa Metro Manila Film Festival 2020 para sa pelikulang “Fan Girl.”
Binati rin siya ni Nancy McDonie, isa sa mga miyembro ng sikat na sikat na K-Pop girl group na Momoland.
“Best friend” na ang turing ni Nancy kay Charlie kaya proud na proud ito sa latest achievement ng dalaga. Kaya naman talagang ibinandera nito sa buong universe ang pagkapanalo ng dalaga.
Sa pamamagitan ng kanyang Instagram Story, ipinost ni Nancy ang isang litrato ni Charlie na kuha sa isang eksena sa “Fan Girl” na may nakasulat na “Best Actress.”
Ito yung isang scene sa movie na talaga namang nagpatunay na karapat-dapat lang manalo si Charlie ng best actress.
Aniya sa caption, “I am so proud and impressed with your performance. You are amazing Charlie. You deserve the Best Actress (award).”
Kung matatandaan, naging co-trainees sina Charlie at Nancy sa South Korea ngunit kinailangang umuwi ng Pilipinas ang MMFF best actress at pansamantala munang kalimutan ang kanyang pangarap na maging K-Pop idol dahil sa issue ng kanyang pag-i-stay doon.
“Five hundred (ang nag-audition) po kami tapos ako po yung pinapunta sa Korea. Pero nagkaroon po ng problema sa contract sa POEA. Hindi po nag-match yung contract sa conditions ng POEA, so hindi po natuloy,” pahayag ni Charlie sa isang panayam noong Pebrero.
Aniya pa, “Feeling ko po pinagbagsakan ako ng langit at lupa. Kasi hindi ko na po alam ulit kung paano magsisimula no’n. Parang feeling ko no’n wala na akong lugar sa showbiz dito noon.” “Tapos nag-workshop po ako sa Star Magic, nagbayad po ako tapos may nakilala po ako na nagko-commercial, so dinala niya po ako sa agency niya tapos nag-commercial na po ako,” lahad pa ng leading lady ni Paulo Avelino sa “Fan Girl.”