Gansang nagluluksa sa pagkamatay ng partner, umantala sa biyahe ng 23 tren sa Germany

Umupo sa riles ang isang gansang nagluluksa sa pagkamatay ng kanyang kasamahan. (Larawan mula sa Federal Police Kassel)

Isang gansang nagluluksa sa pagkamatay ng kanyang kasama ang umupo sa riles ng tren ng halos isang oras na naging sanhi ng pagkaantala ng biyahe ng may 23 tren sa Germany.

Ayon sa pulisya ng Kassel, naglagalag ang dalawang gansa at nakaabot sa lugar ng riles ng high-speed na tren  sa pagitan ng Kassel at Gottingen sa central Germany.

Isa sa dalawang ibon ay namatay na maaring nakoryete sa overhead power cables ng tren noong Disyembre 23, ayon sa pahayag ng mga awtoridad nitong Lunes.

Ang nagdadalamhating kasamang gansa ay umupo sa tabi ng walang buhay niyang partner, at lahat ng pagtatangka ng mga opisyal na mahikayat itong umalis sa riles ay nabigo.

Dahil dito ay pansamantalang isinara ang riles ng may 50 minuto na nakaapekto sa biyahe ng  23 tren.

Kalaunan ay rumesponde na rin ang mga bumbero na may ispesyal na kagamitan at matagumpay nilang naalis ang katawan ng patay na gansa at nakuha ang nagdadalamhating kasamahan nito

Pinalaya rin ang gansa sa ilog ng Fulda, isang siyudad sa central Germany.

Ayon sa Britain’s Royal Society for the Protection of Birds, ang mga gansa ay pumipili lamang ng isang partner na makakasama niya sa habambuhay.

Mula sa ulat ng Agence France-Presse
Read more...