Claudine naputulan ng kuryente sa bisperas ng Pasko, hindi nga ba nakabayad?

TOTAL black-out pala ang buong bahay ni Claudine Barretto nitong bisperas ng Pasko dahil naputulan sila ng kuryente.

Ito ang pambubuking ng legal counsel ng aktres na si Atty. Ferdinand Topacio sa guesting niya sa “Take it Per Minute” Facebook Live nina Nanay Cristy Fermin, Mr. Fu at Manay Lolit Solis nitong Martes nang tanghali.

Sabi ni Atty. Topacio, “Nakakalungkot kasi holidays pa naman dapat ay masaya not just for Claudine, ‘yung mga bata sana kaya lang naging madilim ang kanilang holidays dahil nga sa nangyari.”

Tinanong ni Nay Cristy kung bakit umabot sa ganu’n ang sitwasyon ni Claudine kasunod ng question ni Manay Lolit kung magkano ang dapat bayarang kuryente ng aktres para putulan agad sila ng Meralco.

“Hindi ko alam, eh!  Basta ‘yun nga nakakalungkot and I don’t think na nakakahiya naman ‘yun kasi hindi naman niya (Claudine) kasalanan dahil may agreement sa hukuman na may P100,000 a month na para rin sa mga bata hindi lang naman si Claudine ang gumagamit ng kuryente ro’n.

“Sana kung nagbukas ng ilaw si Claudine lang ang may liwanag.  Lahat ng (kapitbahay) may kuryente,’’ pahayag pa ng legal counsel ng ex-wife ni Raymart Santiago.

Tinanong naman ni Mr. Fu kung nakausap na ni Atty. Topacio si Claudine tungkol dito. “Oo and we tried our best na matulungan siya, ‘yun mga ibang relatives niya siyempre tumulong din naman,’’ saad ng abogado.

Kay Mommy Inday Barretto raw nagpunta sina Claudine kasama ang mga anak para roon magpalipas ng holiday season.

Labis din nilang ipinagtataka kung gaano kalaki ang utang ni Claudine sa Meralco para maputulan siya ng kuryente.

“I’m sure malaki kasi malaki ang bahay nila at marami silang ginagamit,’’ pakli ni Mr. Fu.

“Isipin mo, Claudine Barretto, milyon-milyon ang bayad sa kanya sa mga teleserye at namimigay ng tulong sa kapwa, umiikot talaga ang mundo,’’ pahayag naman ni Nay Cristy.

At dito na tinanong si Atty. Topacio ni Mr. Fu kung kumusta na sina Claudine at Raymart, “Of course they’re not on good terms kasi nga ang feeling niya ay talagang ginigipit siya ni Raymart.

“Acknowledge na ‘yan (P100k) sa korte na iyan ang minimum na kinakailangan. Alam n’yo kung tutuusin hindi naman malaki ang 100 thousand sa panahong ito, eh, di ba?  Mga anak mo naman ‘yun, pagkain nila, alam naman na mahal ngayon etcetera.

“Hindi naman kung saan-saan lang nakatira. May kita naman and I don’t believe na hindi kaya ni Raymart yung isang daan libo kasi ipinakita sa akin yung mga post niya, nakabili siya ng BMW na motorsiklo.

“E, para naman ito sa anak mo. And it’s also a criminal offense, he has to choose. Saan niya gagamitin ‘yung 100 thousand? Sa sustento ng mga anak niya o sa abogado niya?

“Sinumpa ko kay Claudine na I will not stop, every month na hindi siya magbigay ng sustento magpapadala ako ng letter of demand at pag hindi niya sinunod, that’s another count of Violence Against Women and Children.  E, siguro kung may sampung demanda na siya mare-realize niyang mali siya,” paliwanag ng abogado.

At dito inamin ni Atty. Topacio na pro-bono ang kaso ni Claudine bilang tulong dahil naaawa siya sa mga bata.

Bukas ang pahinang ito sa panig ni Raymart Santiago para sa mas ikalilinaw ng issue. Agad naming ilalabas ang magiging paliwanag ng aktor.

Read more...