DESIDIDO ang pamilya ni Maine Mendoza na maparusahan ang mga taong nagpakalat ng malaswang video na iniuugnay sa TV host-actress.
Ngayong araw, personal na nagreklamo sa National Bureau of Investigation ang nanay ni Maine na si Mary Ann Mendoza para tuluyan nang matanggal ang video scandal sa social media.
Nais din ng ina at pamilya ni Maine na ma-trace kung sino ang nasa likod nito para managot sa batas at hindi na makapambiktima pa ng mga inosenteng tao.
“Hindi siya makatarungan. Lumagay man kayo sa ‘min bilang magulang, siguro mararamdaman niyo ‘yong sakit na nararamdaman naming pamilya niya,” ang emosyonal na pahayag ni Mary Ann sa ABS-CBN.
Ayon naman kay Victor Lorenzo, NBI Cyber-Crime Investigator, nagsimula na silang mag-imbestiga hinggil sa reklamo ng kampo ni Maine at nangakong gagawin nila ang lahat para maparusahan ang mga taong sangkot dito.
Kung mahuhuli ang gumawa at nagpakalat ng nasabing video maaari siyang kasuhan ng paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009.
Nauna nang dinenay ni Maine na siya ang nasa malaswang video scandal pero kahit siya ay nagulat dahil kamukha nga niya ang babaeng naroon. Tweet ng dalaga, “WTF???? Sobrang kamukha ko kinilabutan ako pero hindi ako to!”
Naglabas din agad ng official statement ang manager ni Maine na si Rams David at mariing itinanggi na si Maine ang babae sa video, “We will not hesitate to take appropriate legal action against any person circulating the same. We intend to hold those individuals criminally and civilly liable for the damage caused to Ms. Mendoza.
“Rest assured that we are taking all the necessary steps to hold the individuals involved accountable and we are coordinating with the proper government agencies to remove the content online permanently,” sabi pa sa statement ng talent management ni Maine.