INAMIN ni Iza Calzado na kahit kalaban niya sa pagka-best actress sa Metro Manila Film Festival 2020 Gabi Ng Parangal si Charlie Dizon, ito ang nais niyang manalo.
Binati agad ni Iza ang baguhang Kapamilya youngstar matapos i-announce ang pangalan nito bilang Best Actress sa ginanap na virtual awards night kagabi para sa pelikulang “Fan Girl.”
Nominado naman si Iza para sa MMFF 2020 entry na “Tagpuan.”
Post ng aktres sa kanyang Instagram page, “Tonight, I feel blessed to witness a star shine brighter. I know we were nominated in the same category but I was really rooting for you.
“I am beyond happy to see you win and thrilled that you mentioned me in your speech. It gives me a sense of purpose beyond self and that is a great gift.
“How amazing that God used me as an instrument to help you in your journey in becoming the Fan Girl. You were destined for this @charliedizon_. Mahal kita,” mensahe ni Iza sa leading lady ni Paulo Avelino sa “Fan Girl” na nanalo ring Best Actor.
Sa kanyang acceptance speech, pinasalamatan ni Charlie si Iza na siyang nagpakikilala sa kanya kay Antoinette Jadaone na siyang nagdirek ng “Fan Girl.”
“Miss Iza, (thank you) dahil ikaw ‘yung naging tulay ko para kay Direk Tonette, na makilala nila ako. Thank you po.”
“Direk Tonette, of course, thank you po sa napakagandang pelikulang ito. ‘Di ko alam kung makakagawa pa ‘ko ng ganito kagandang klase ng pelikula kaya thank you po sa opportunity na ‘to.
“Of course, Paulo, thank you kasi ikaw ‘yung naging partner ko rito at talagang sinuportahan mo ako nung nagsu-shoot tayo. Thank you po sa lahat ng producers namin,” sabi pa ng aktres.
* * *
Sa ikapitong pagkakataon, muling nagwagi sa puso ng mga guro at mag-aaral sa Central Luzon ang ABS-CBN matapos tanghaling Best TV Station sa 2020 Paragala: The Central Luzon Media Awards.
Kinilala rin ang mga entertainment program ng ABS-CBN tulad ng “It’s Showtime” (Best Noontime Show), “Maalala Mo Kaya” (Best TV Anthology), “Kadenang Ginto” (Best Teleserye), at “Tonight with Boy Abunda” (Best Talk Show). Tinanghal namang Best Digital Content for Lifestyle ang ABS-CBN Lifestyle.
Samantala, nag-uwi ng parangal ang ABS-CBN News kabilang ang Best Multi-Platform News Program para sa DZMM Radyo Patrol Balita, Best Morning Show para sa “Umagang Kay Ganda” at Top News Personality para kay Gretchen Ho.
Nasungkit naman ng real-life Darna at host ng “Iba ‘Yan” na si Angel Locsin ang special award na Paragala Panglingkod-Bayan dahil sa kanyang hindi matatawarang paglilingkod sa mga Pilipino sa bansa.
Bukod diyan, kinilala rin siya bilang isa sa Top Entertainment Personalities kasama ng iba pang Kapamilya stars na sina Anne Curtis, Daniel Padilla, Enrique Gil, James Reid, Kathryn Bernardo, Liza Soberano at Nadine Lustre.
Ang Paragala ang sinasabing pinakamalaking student-based award giving body sa Pilipinas at pinakauna sa Central Luzon kung saan aabot sa 29 na paaralan ang lumalahok sa pagpili ng mga mananalo rito taon-taon.
Dahil sa pandemya, ginanap online ang awarding noong Disyembre 12 sa pagpapatuloy ng kanilang layuning papurian at kilalanin ang pinakamahusay na mga programa at personalidad sa larangan ng media.