BAGO tuluyang mamaalam ang makasaysayang 2020, alalahanin at patuloy nating ipagdasal ang kaluluwa ng mga celebrities na sumakabilang-buhay ngayong taon.
Lahat sila’y nagsilbing inspirasyon sa ating lahat at kahit paano’y nakapagbigay din ng saya at tuwa sa sambayanang Filipino. Siguradong mananatili ang mga iniwan nilang magagandang alaala sa isip at puso ng mga Pinoy.
MENGGIE COBARRUBIAS
Sa edad na 66, pumanaw ang veteran actor noong March 26 dahil sa pneumonia. Nalamang tinamaan siya ng COVID-19 limang araw makalipas ang kanyang pagkamatay.
ALFREDO “BABAJIE” CORNEJO
Kumplikasyon din dahil sa sakit na pneumonia ang ikinamatay ng komedyante na sumikat noon sa Kapuso gag show na “Bubble Gang.” Namaalam siya noong May 4 sa edad na 35.
SONNY PARSONS
Atake sa puso ang ikinamatay ng dating action star noong May 10 habang sakay ng kanyang motorsiklo sa Lemery, Batangas. Siya ay 61 years old.
Balitang hindi na kinaya ng veteran actor at dating member ng grupong Hagibis ang tindi ng init habang siya’y naglalakbay patungong Quezon.
ANITA LINDA
Sa edad naman niyang 95, itinuturing siyang oldest active actress sa industriya ng telebisyon at pelikula sa Pilipinas. Pumanaw siya noong June 10.
Kino-consider din siyang movie icon dahil sa napakalaking kontribusyon niya sa entertainment industry bilang isang award-winning actress.
RAMON REVILLA, SR.
Atake sa puso ang ikinamatay ng isa pang movie icon at kilalang politician na si Ramon Revilla noong June 26 na nakilala rin sa tawag na “Agimat”. Siya ay 93 years old. Isa rin siya sa mga itinuturing na haligi ng showbiz industry dahil sa hindi matatawarang naiambag niya sa mundo ng pelikula.
KIM IDOL
Sa edad na 41, namaalam ang sikat na stand-up comedian na maituturing ding bayaning frontliner. Si Michael Argente na mas nakilala bilang Kim Idol sa mga comedy bar ay pumanaw dahil sa AVM o brain arteriovenous malformation.
Nagsilbing marshal sa Bureau of Quarantine sa Philippine Arena sa Bulacan si Kim kung saan dinadala ang ilang pasyenteng may coronavirus.
EDDIE ILARDE
Aug. 4 naman nang mamaalam ang dating senador at broadcaster na si Edgardo “Eddie” Ilarde sa edad na 85. Nakilala siya nang todo sa mundo ng telebisyon nang maging host ng sikat na variety show noon na “Student Canteen.”
ALFREDO LIM
Sumakabilang-buhay ang dating mayor ng Maynila na si Alfredo Lim noong Aug. 8 sa edad na 90. Balitang nakipaglaban din ang alkalde sa COVID-19 bago tuluyang mamaalam sa kanyang pamilya at mga tagasuporta.
EMMANUEL NIMEDEZ
Nagluksa naman ang vlogging community nang pumanaw ang sikat na YouTuber noong Aug. 16 matapos makipaglaban sa sakit niyang acute myeloid leukemia. Buwan ng Mayo nang ibalita ni Emman na meron siyang cancer sa pamamagitan ng kanyang vlog.
LLOYD CADENA
Ilang linggo lang ang lumipas, namatay na rin ang isa pang sikat na sikat na vlogger na si Lloyd noong Sept. 4 dahil sa cardiac arrest. Nagpositibo rin siya sa COVID-19 na isa sa mga naging dahilan ng mabilis na paghina ng kanyang katawan. Talagang ikinagulat ng madlang pipol ang bigla niyang pagkamatay.
MADAM AURING
Oct. 30 naman nang pumanaw si Aurea S. Erfelo o mas kilala nga bilang Madam Auring na sumikat nang bonggang-bongga dahil sa panghuhula niya sa mga sikat na showbiz personalities. Siya ay 80 years old. Bukod sa pagiging foretune teller, umapir din siya sa ilang pelikula noong kabataan niya.
APRIL BOY REGINO
Nagluksa rin ang sambayanan nang mapabalitang namatay na ang tinaguriang “Idol ng Masa” sa edad na 59 nito lang Nov. 29. Taong 2009 nang ma-diagnose na meron siyang prostate cancer at kasunod nito nagkaroon din siya ng diabetes na naging sanhi ng pagkabulag ng isa niyang mata.
Siguradong habangbuhay nang nakatatak ang pangalang April Boy sa mga Pinoy dahil na rin sa mga classic songs niyang “Umiiyak Ang Puso”, “Sana’y Laging Magkapiling”, “Esperanza”, at ang walang kamatayang “Di Ko Kayang Tanggapin”.