Reunion movie ng ‘Bagets’ stars posibleng matuloy pero may mga kundisyon…

POSIBLE pa kayang matuloy ang muling pagsasama-sama ng original cast members ng iconic 80s movie na “Bagets”?

Yan ang tanong ng Pinoy fans na patuloy na umaasa na magkakaroon ng reunion movie ang “Bagets” stars na sina Aga Muhlach, Herbert Bautista, Raymond Lauchengco, William Martinez, JC Bonnin, Ramon Christopher, Eula Valdes, Yayo Aguila at Cheska Iñigo.

Ang “Bagets” ay isang teenage drama-comedy movie na idinirek ni Maryo J. delos Reyes na ipinalabas noong February, 1984. Nagkaroon agad ito ng part 2 noong taong ding iyon.

Mas na-excite pa ang mga ito nang mag-post si Eula sa Instagram ng ilang litrato na kuha sa naganap na reunion nila kamakailan. Present doon sina Herbert, Ramon Christopher, Yayo, Cheska at Raymond.

“Ang samahan na nabuo nung kabataan, hinubog ng saya, respeto at pinatibay ng panahon.

“BAGETS nakaukit sa bato, hindi na mabubuwag mahal ko kayo. Palaliman ito, Oh ha! MERI KRISMAS mula sa mga batang 80s,” ang inilagay na caption ni Eula sa kanyang IG post.

Dahil dito, mas lalo pang naatat ang kanilang mga supporters sa posibleng sequel ng “Bagets”. Sabi nga ng isang fan, siguradong magiging blockbuster ito dahil talaga namang iconic na ang nasabing movie.

“Kakamiss I wish to see u all in one interview together to reminisce those days #80s.”

“Favorite movie! May original vcd pa ako ng movie nila! Keeping it until now!”

“Friendship goals. Sana nga may part 3, yung parang life after their bagets days. Pwedeng Bagets for life mga ganern! O kaya Bagets Forever!”

Kung matatandaan, napabalita ang reunion movie ng “Bagets” stars noong 2007 with original director Maryo J. delos Reyes under Viva Films. Pero hindi na nga ito natuloy hanggang sa pumanaw na si Direk Maryo noong Jan. 27, 2018 sa edad na 65.

Samantala, sa panayam naman kay Aga kamakailan, sinabi nitong game siya sa nasabing project, “I just hope it happens. Before pa, pinag-uusapan namin iyan a long time ago.

“Sabi namin, if it’s not going to be as magical as Bagets, parang we’d rather not do it. If we’re going to do a reunion movie, it has to be as big and as memorable as the original movie. If not, let’s just leave it at that,” aniya pa.

“But of course I would love to do a movie with the whole cast. So Viva, calling, calling,” dagdag pa ng award-winning actor.

Read more...