Charlie Dizon matalo nga kaya sina Nora, Sylvia at Iza sa pagka-best actress sa MMFF 2020?
ILANG oras na lang at gaganapin na ang pinakaaabangang virtual Gabi ng Parangal ng Metro Manila Film Festival 2020.
Kaya naman nakikinita na namin ang lahat ng nominado na inihahanda ang kanilang mga susuutin at baka ‘yung iba nga ay nagpa-parlor pa, pero baka ang iba naman ay dedma muna at chill-chill lang sa kani-kanilang mga bahay.
Pero ito, bukod sa apat na sulok ng showbiz ay maingay ding pinag-uusapan sa social media lalo na ng mga nakapanood na ng “Fan Girl” na malakas ang laban ni Charlie Dizon sa pagka-Best Actress kung saan makakalaban niya sina Nora Aunor, Ritz Azul, Iza Calzado at Sylvia Sanchez.
Matapang daw kasi ang pagkakaganap ng baguhang aktres sa kanyang karakter. Hindi pa namin napapanood ang “Fan Girl” kaya curious kami sa kuwento nito at sa performance ng mga bidang sina Charlie at Paulo Avelino.
“Kung may sinehan, malamang nasa R-16 ang Fan Girl, hindi ito pambata kasi puro murahan at nagpakita pa ng boobs si Charlie, tapos itong si Paulo, notang peke naman ang pinag-uusapan. E, sa ginawa nilang dalawa, malamang sila ang Best Actress at Best Actor dahil sa suso at nota,” sabi sa amin ng isang nakapanood na sa pelikula.
Ang pelikula ay handog ng Star Cinema at Black Sheep na idinirek ni Antoinette Jadaone para sa MMFF 2020.
Kung ang mga hurado sa pangunguna ni Ormoc City Mayor Richard Gomez, mahusay na manunulat na si Luwalhati Bautista, sikat na mang-aawit na si Jay Durias at ang head nilang si Cabinet Secretary Karlo Nograles ay magbabase sa bagong mukha at husay sa pagganap, malamang si Charlie nga ang magwagi.
Para sa amin ay si Sylvia Sanchez mula sa entry na “Coming Home” ang mahigpit na makakalaban ni Charlie dahil mahusay din siya rito bilang ina at asawa na gustong buuin ang pamilya.
Hindi siya bungangerang nanay at asawa rito at bago naman ang itsura ni Sylvia sa pelikula, hindi siya mahirap o losyang dahil nakakaluwag naman ang buhay nila kaya lagi siyang nakabihis at dahil tisay kaya sa mga eksenang kasama siya ay nagliliwanag ang buong paligid na akala mo ay siya ang may pailaw sa lahat.
Anyway, malaki rin naman ang laban nina Nora Aunor, Ritz Azul at Iza Calzado.
Sa pagka-Best Actor ay sina Adrian Lindayag at Paulo Avelino ang nababasa namin sa social media na maingay ang pangalan dahil sina John Arcilla at Philip Salvador ay given ng magagaling kaya it’s about time na may bagong mukha namang tumanggap ng tropeo.
Win or lose, malaking achievement na para kay Adrian ang ma-nominate bilang si Dominic sa “The Boy Foretold By The Stars” bilang unang beses din niyang makasali sa MNFF at unang pelikula rin niya ito.
Nakakatuwa nga dahil pagkatapos banggitin ang pelikula niya ay isinusunod ang mga programang “Kadenang Ginto” na nagtapos na sa ABS-CBN at sa umeereng “Oh My Dad “ngayon sa TV5 na puring-puri rin ang aktor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.