‘Ang mura na nga ng ticket sa MMFF 2020, pinirata pa ang ilang entry!?’

 

 

HAYAN, hindi lang pala ang mga pelikulang “Fan Girl” at “Mang Kepweng: Ang Lihim ng Bandanang Itim” ang napirata sa isinasagawang Metro Manila Film Festival 2020.

Nakasama na rin sa listahan ang “The Boy Foretold By The Stars” na isa sa mainit na pinag-uusapan ngayon sa social media ng mga nakapanood na.

Sa unang araw ay bantay-sarado na ng mga supporters ng pelikula nina Adrian Lindayag at Keann Johnson kaya hindi pa ito napirata agad tulad ng mga nabanggit na Star Cinema movies pero sa ikalawang araw ay nakahuli na ng tatlong “magnanakaw” sa Facebook, Twitter at YouTube.

Sobrang nabahala ang Clever Minds producer sa isyung ito dahil ang mura na nga ng bayad sa tickets at buong pamilya pa ang puwedeng makapanood ay heto’t pinirata pa.

Ang mismong taga-UPSTREAM.ph ang nagpadala ng mensahe sa producers ng “The Boy Foretold By The Stars” tungkol sa pamimirata at kaagad naman itong inaksyunan.

Habang isinusulat namin ang balitang ito ay inihahanda na ng abogado ng Clever Minds ang isasampang kaso ngayong araw laban sa mga pirata.

Suportado naman ng UPSTREAM.ph at MMFF sa hakbang na ito ng mga producers para maturuan ng leksyon ang mga nagnanakaw ng pelikula online.

Ngarag ngayon ang producers ng pelikula na sina Direk Derick Cabrido at Omar Sortijas dahil ngayong gabi, 7 p.m. na rin magaganap ang virtual Gabi ng Parangal ng Metro Manila Film Festival 2020.

“Nakahanap naman ako ng venue para sa virtual awards night later. Nakabihis naman ang mga artista at direktor namin,” saad ni Omar nang maka-chat namin habang nagsusulat kami.

Dagdag pa niyang pahayah, “Dadalo lahat ng nominated, nagpa-swab kaming lahat kasi siyempre magkakasama kami.

“Magpapakain din ako mamaya. Pasasalamat sa mga staff na nagtrabaho nang wagas. Kasi at the end of the day win or lose nanalo na tayo kasi malaking achievement talaga ito ng LGBTQIA,” aniya pa.

Samantala, dahil sa magagandang reviews ng “The Boy Foretold By The Stars” ay dalawang kilalang movie producers na ang nag-alok ng pelikula kay Direk Dolly Dulu na siya rin mismo ang susulat at magdidirek.

Well-deserved direk Dolly! Congrats!

Read more...