Ice miss na miss ang tatay noong Noche Buena: Sa totoo lang, akala ko aabot siya ng Pasko…

AMINADO ang OPM icon na si Ice Seguerra na ibang-iba pa rin ang pakiramdam kapag kumpleto at sama-sama ang pamilya sa pagdiriwang ng Pasko.

Naging emosyonal ang singer-songwriter sa kanyang Christmas message dahil ito nga ang unang Pasko na hindi nila kapiling ang amang si Decoroso “Dick” Seguerra.

Sumakabilang-buhay nito lamang nakaraang buwan ang ama ni Ice matapos makipaglaban sa sakit na prostate cancer.

Ayon kay Ice, kahit tanggap na niya ang pagkawala ng ama pero may mga pagkakataon talaga na mananariwa pa rin ang sugat sa puso lalo na kapag may mga espesyal na okasyon o pagdiriwang.

Nag-post si Ice sa kanyang Instagram ng kanilang family photo at nilagyan ng caption na, “Mula bata hanggang ngayon, walang paskong dumaan na hindi kami magkakasama lahat.

“Maraming masayang pasko, meron ding malungkot. Pero okay lang kasi magkakasama kami.”

Aniya pa, kahit na raw ikinasal na sila ni Film Development Council of the Philippines Chairperson Liza Dino, sama-sama pa rin sila sa Noche Buena ng kanyang pamilya.

“But it’s different now. Sa totoo lang, akala ko aabot siya ng Pasko. Kaso, hindi ganon yung nangyari,” ani Ice.

Nararamdaman naman daw niya na palagi lang nandiyan ang ama pero hindi niya maiwasan ang maging emosyonal sa tuwing maiisip ang magagandang alaala ni Daddy Dick, lalo na nga ngayong holiday season.

“Miss ko ’yung mga malulutong na pa bente pesos niya. Yung pagkanta niya ng bidyoke. Kahit tulog lang siya sa couch habang naghihintay ng noche buena … miss ko yun. Miss ko siya,” lahad pa ni Ice.

“It’s never the same. And it will never be the same. Laging may kulang, kahit ano pa ang gawin mo para punuan yun,” mensahe pa ng award-winning singer.

Sa huling bahagi ng post ni Ice, pinayuhan niya ang kanyang IG followers na sulitin ang bawat oras at pagkakataon na kasama ang pamilya, lalo na ang ating mga magulang.

“Sila ang pasko. Hindi ang mga regalo o kung ano pa man,” sabi pa ni Ice.

Read more...