Lani isinapubliko ang tunay na sakit: Ang nangyari po sa akin ay mas matindi pa sa COVID…

SA kauna-unahang pagkakataon, isinapubliko ni Lani Misalucha ang tunay niyang karamdaman na naging dahilan ng pagkawala niya sa “The Clash Season 3” bilang judge.

Lumuluhang nagkuwento ang Asia’s Nightingale sa Christmas special ng “The Clash” na napanood kagabi sa GMA, na bingi ang pandinig niya sa kanang tenga.

Aniya, nagkaroon siya ng bacterial meningitis kaya ilang araw din siyang na-confine sa ICU ng isang ospital. Nilinaw din niya na hindi siya tinamaan ng COVID-19 tulad ng napapabalita.

“Na-miss ko ang The Clash, na-miss kong mag-work. Na-miss ko kayo dahil you’ve been all good to me,” ang pahayag ni Lani nang makausap ng mga kapwa niya judge sa “The Clash” na sina Ai Ai delas Alas at Christian Bautista pagkatapos niyang kantahin ang “O Holy Night.”

“Nagpapasalamat ako sa Panginoong Diyos dahil buhay ako, buhay kaming mag-asawa (Noli). Maraming salamat po sa lahat ng mga kaibigan at pamilya ko at supporters ko. They’ve been praying for me and I know that,” mensahe pa niya sa manonood.

Patuloy pa ng OPM icon, “Huwag ho kayong mag-alala, hindi ako nagkasakit ng akala niyo COVID. Hindi po, kasi kung COVID ‘yan, madali akong makakabalik dito. Ang nangyari po sa akin ay mas matindi sa COVID.”

Sabi pa ng singer, “Bingi po talaga ang nangyari sa akin, sa right side ko, sa aming mag-asawa. At meron po kaming vestibular dysfunction kaya kailangan naming ng alalay lagi.”

Ayon kay Lani, unang dinala sa ICU ang kanyang mister noong nakaraang Oktubre dahil din sa bacterial meningitis. Kasunod nito, siya naman ang isinugod sa ospital matapos makaramdam ng pananakit ng katawan, matinding sakit ng ulo, pagkahilo at panghihina ng pandinig.

Dahil dito, naapektuhan nga ang mga nakalinyang trabaho ni Lani, kabilang na ang na-cancel niyang mga shows.

Ang masaklap pa rito, wala pa raw gamot para sa nawala niyang pandinig dahil sa tumama aa kanyang bacteria, “Hindi naman ito magagamot. Wala itong gamot. Ang weird talaga.

“Noong kalalabas lang namin ng ospital, wala, as in bingi kami at hilong-hilo kami. Nakaka-disable talaga,” aniya pa.

Kamakailan, sinabi ni Lani na may pakiramdam sila na nakuha nila ang bacteria sa isang restaurant, “Ang suspetsa, may pinuntahan lang kami na isang restaurant, pero siyempre hindi ko naman sasabihin kung saan ‘yon.

“Saka na lang kung talagang may imbestigasyon na mangyari. Yun lang ‘yon, that’s the only thing na naalaala namin na lumabas kami sa restaurant, e, hindi naman kami kumakain ng baboy.

“Ang nakita sa blood namin, Swiss pork, blood meat na pork. Hindi masabi, ewan ko ba, parang natiyempuhan kami. Baka nagkaroon ng cross-contamination,” paliwanag pa ng singer.

Aniya pa tungkol sa kanyang sakit, apektado rin daw ang boses niya, “Para kang nasa ilalim ng tubig so muffled talaga at saka high pitched. Hindi ko pa rin talaga ma-absorb ang nangyari.

“Alam mo ‘yun na parang, okay, paano ‘to singer ako? Kailangan ko ng pandinig ko.’ Parang sinabi ko na sa sarili ko na, okay, singing may not be for me anymore. I don’t know.

“Yung feeling ko napaka-helpless ako and parang hopeless na rin. Parang wala kong makitang answer right now, e. Actually, nagse-search pa rin ako kung meron pala siyang ibang sagot.

“‘Di lang natin nakikita kasi iba ‘yung gusto nating sagot na matanggap. Sabi ko, okay lang kung ito ‘yung binigay na challenge then I’ll take the challenge,” aniya pa.

Ngunit sa kabila nga ng pagsubok na pinagdaraanan, naniniwala pa rin si Lani at ang asawa na malalagpasan nila ito at patuloy lang ang pagkapit nila sa kanilang pananampalataya sa Diyos.

“Ganoon talaga ang buhay. Hindi mo malalaman na may dadapo pala sa ‘yo na ganyan, na magdi-disable sa ‘yo,” ani Lani.

Read more...