MAYROON pa ring nagsasabi na dapat sana’y pinatapos na lang kay Olsen Racela ang season na ito bilang coach ng Petron Blaze kaysa inilipat siya sa SanMig Coffee bilang assistant coach ni Tim Cone sa simula ng PBA Governors Cup.
Ito’y upang maging graceful ang kanyang exit at hindi yung para bang napundi na lang sa kanya ang dati niyang koponan dahil sa masagwang performance sa nakaraang Philippine Cup at Commissioner’s Cup.
Pero ganoon talaga ang buhay sa PBA, e. Lalo na para sa isang head coach. Para bang showbiz din iyan na “You are as good as your last job.”
Kung tutuusin nga’y para ring hinog sa pilit si Olsen. Hindi siya nagkaroon ng pagkakataong mahinog nang husto bilang coach. Kareretiro lang niya bilang manlalaro nang ilagay siya bilang assistant ni Renato Agustin.
Sa simula ng season na ito ay hinalinhan niya si Agustin matapos na mabigo ang Petron Blaze sa huling tatlong torneo ng PBA. Nanatili naman si Agustin bilang consultant ng team at palaging nasa likod ng bench ng Boosters.
Kahit siguro si Olsen ay magsasabing mabigat kaagad ang pressure na ipinatong sa kanyang balikat. At kahit na gaano siya kahanda ay hindi pa rin umubra ang lahat ng kanyang kaalaman.
Well umaasa na lang ang mga fans at supporters ni Racela na darating ang tamang panahon at muli siyang magiging head coach upang mapatunayan na puwede naman talaga siyang makagawa ng difference sa PBA.
Sa ngayon ay matututo muna siya nang husto kay Cone. Sa kabilang dako, tila maganda naman ang timing ng pagkakaluklok kay Gee Abanilla bilang kapalit ni Racela sa Petron.
Napadali rin ito at may nagsasabi na wala namang masama kung sa simula ng susunod na season na lang hinalinhan ni Abanilla si Racela.
Pero nandiyan na iyan, e. Kung tutuusin, mas handa si Abanilla. Kasi nga’y marami na rin namang pinagdaanan si Gee. Hindi naman Petron Blaze ang una niyang head coaching job.
Naging head coach siya ng College of St. Benilde Blazers sa NCAA at ng La Salle Green Archers sa UAAP. Bago nga siya napunta sa Petron ay assistant coach siya ni Joseller “Yeng” Guiao sa Red Bull.
Basang-basa na ang paa ni Abanilla bilang isang bench tactician. Kabisadong-kabisado na niya ang Petron dahil sa matagal na siyang naging bahagi ng koponang ito in an assistant coach capacity.
Ilang head coaches na ang kanyang napaglingkuran at nararapat naman na ngayon ay siya naman ang humawak sa renda ng koponang ito.
Well, nadiskaril kaagad ang Petron sa unang laro kontra sa Meralco Bolts noong Marso 16. Pero matapos ito ay nagposte ng dalawang sunod na panalo ang Boosters upang makasalo sa early leadership ng Governors Cup ang defending champion Rain Or Shine, Barako Bull at Global Port.
Mamaya ay puntirya ng Petron Blaze ang ikatlong sunod na panalo kontra Air21. From the looks of it, sure na magku-qualify ang Petron sa susunod na round at ang hinahabol lang talaga ng Boosters ay ang makapuwesto sa top four.
Hindi man magandang tingnan ang maagang pagkakatanggal kay Racela, mukha namang tama na iluklok si Abanilla. After all, sa isang matinding liga na tulad ng PBA, totoo din ang kasabihang umiiral na ‘‘survival of the fittest.”