NA-GETS na namin ngayon kung bakit pumayag si Jodi Sta. Maria na maglabas ng malaking halaga para matapos ang BL o Boy’s Love movie na “The Boy Foretold By The Stars.”
Napanood na namin ang pelikula na isa sa mga entry sa 2020 Metro Manila Film Festival at in fairness, hindi nagkamali ang isa sa mga producer ng Clever Minds Productions na sugalan ito.
Ayon sa direktor ng movie na si Dolly Dulu, nagustuhan ni Jodi ang script na isinulat niya at tuwang-tuwa raw ang aktres nang mapanood na ang buong pelikula na pinagbibidahan nina Adrian Lindayag at Keann Johnson bilang young lovers.
Tulad nang naisulat namin sa aming review ng “The Boy Foretold By The Stars”, wholesome ang gay movie na ito at walang kahalayan o kabastusan (pwera na lang sa isang lalaking karakter na talagang isusumpa mo ang kabastusan dahil sa pambu-bully niya sa mga bading! Ha-hahaha!).
Talagang mamahalin mo ang bida sa kuwento na si Adrian bilang si Dominic na super na-in love sa straight guy na kaklase niyang si Luke na ginagampanan ni Keann.
Pagkatapos ng special screening ng movie, nakachikahan ng ilang members ng press ang cast members at isa sa mga naitanong kay Keann ay kung may bading nang na-in love sa kanya sa tunay na buhay at kung pumatol siya rito.
Diretsong sinabi ng leading man ni Adrian na posible siyang ma-in love sa kapwa lalaki pero hindi pa raw ito nangyari in real life.
Totoong may mga nagpaparamdam daw na beki sa kanya, “Actually, I did the same way. Parang I told him na, you know, I love that you were confident enough to tell me how you felt pero sorry, I am heterosexual at ayokong paasahin ka.
“Siyempre, you guys have feelings. I don’t want to you know, tapos mamaya, bibitawan lang kita. Siyempre, nararamdaman ko iyung nararamdaman mo,” sagot ni Keann.
Samantala, natanong naman si Direk Dolly kung tingin ba niya ay ready na ang Pinoy viewers na makapanood ng BL movie lalo pa’t sa MMFF ito makikipaglaban?
“It’s about time na rin po siguro. Medyo matagal-tagal na rin itong hinihintay.
“I think ngayon ang perfect time, kasi, nabuksan na iyung culture na ito dahil marami na pong series na lumabas. So, na-prepare na iyung audience sa ganitong kuwento.
“Tapos ngayon, movie na siya at MMFF pa, parang wala na kasi silang choice. Kasi, part na siya ng line up, e.
“Isinama na ito sa mga panonooring pelikula. Basta, isinama na siya ng MMFF panel na ready na ang Pilipinas sa ganitong klaseng material,” magandang paliwanag ni direk Dolly.
Mapapanood na ang “The Boy Foretold By The Stars” simula sa Pasko, Dec. 25 sa pamamagitan ng Upstream app.