Mga Laro Ngayon
(SM MOA Arena)
5:15 p.m. Petron Blaze vs. Air21
7:30 p.m. Alaska Milk vs. Rain or Shine
Team Standings: Barako Bull (2-1); Global Port (2-1); Petron Blaze (2-1); Rain Or Shine (2-1); Talk N’ Text (1-1); Barangay Ginebra (1-1); Air21 (1-2); Meralco (1-2); SanMig Coffee (1-2); Alaska Milk (0-1)
INAASAHANG magiging maigting ang duwelo ng mga kampeong Rain Or Shine at Alaska Milk sa 2013 PBA Governors Cup mamayang alas-7:30 ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa unang laro sa ganap na alas-5:15 ay tutuhugin ng Petron Blaze ang ikatlong sunod na panalo kontra Air21. Kapwa galing sa talo ang Elasto Painters at Aces.
Matapos magwagi sa unang dalawang laro, ang defending champion Rain Or Shine ay binigo ng Petron Blaze, 99-84. Ang Aces, na naghahangad na maisubi ang ikalawang sunod na titulo matapos maghari sa Commissioner’s Cup ay natalo sa una nitong laro kontra Global Port, 91-88, noong Biyernes.
Umaasa si Rain Or Shine coach na si Yeng Guiao na manunumbalik ang dating buti ng mga Gilas Pilipinas members na sina Gabe Norwood at Jeff Chan.
Ang iba pang sinasandigan ni Guiao ay sina Beau Belga, Jervy Cruz at Chris Tiu. Magiging klasiko ang banggaan nina 2011 Governors Cup Best Import Arizona Reid at baguhang Wendell McKiness na siyang bumabandera para sa Alaska.
Makakatuwang ni McKiness sina Cyrus Baguio, JayVee Casio, Sonny Thoss at Most Valuable Player statistical leader Calvin Abueva.
Matapos na matalo sa unang laro kontra Meralco, ang Petron Blaze, na ngayon ay hawak ni head coach Gee Abanilla, ay nagposte ng back-to-back wins laban sa Barangay Ginebra San Miguel (101-95) at Rain Or Shine.
Unti-unti ay lumalabas ang buti ni Elijah Millsap na sinasabing pinakamahusay sa sampung imports ng torneo. Siya’y sinusuportahan nina Alex Cabagnot, Arwind Santos, Chris Lutz, Marcio Lassiter at June Mar Fajardo.
Makakatapat ni Millsap ang scorer na si Zachary Graham na nasa ikalawang tour of duty sa PBA. Katuwang ni Graham sina Nino Canaleta, Mike Cortez, Mark Isip at Nelbert Omolon.