DongJen, Rocco, Jasmine hinding-hindi malilimutan ang DOTS; Kapuso viewers inaatake ng ‘sepanx’

SIGURADONG inaatake na ng “sepanx” o separation anxiety ang mga tagasuporta ng “Descendants of the Sun” nina Kapuso Primetime King Dingdong Dantes at Ultimate Star Jennylyn Mercado.

Huling linggo na ng Pinoy version ng hit Korean series sa GMA Telebabad at sa mismong araw ng Pasko nga mapapanood ang finale episode nito na siguradong hinding-hindi makakalimutan ng manonood.

Hindi lang ang love story nina Big Boss (Dingdong) at Beauty (Jennylyn) ang dapat abangan ng viewers sa huling apat na gabi ng “DOTS PH” kundi pati na rin ang mangyayari sa nakakikilig na pagmamahalan nina Diego (Rocco Nacino) at Moira (Jasmine Curtis).

Sa nalalapit na pagtatapos ng serye, sinabi ng cast members na forever nang tatatak sa puso nila ang “DOTS” at sana’y napasaya nila nang bonggang-bongga ang Kapuso viewers sa programang ito.

“Playing the role of Big Boss is something that I’ll be proud of for years and years. It is an honor to be part of a project this big and internationally-recognized.
“But more than the entire experience and the trainings that the character went through, it’s the family we built on set that I will really miss,” pahayag ni Dingdong.

Nakatatak na rin sa puso ni Jen ang karakter niyang si Doc Maxine, “Malaki ang pasasalamat ko sa Network at sa buong production team ng DOTS Ph for giving me a chance to portray Beauty. Very memorable sa akin ang DOTS Ph dahil napakaganda ng kuwento at dahil na rin sa overwhelming na suportang ipinakita sa amin ng viewers throughout its entire run.”

Sey naman ni Rocco, nang dahil sa serye kaya siya naging Navy reservist, “It’s bittersweet to say goodbye to my character and to the series, dahil minahal ko talaga ang pagganap bilang si Wolf.

“DOTS PH opened my eyes to new opportunities, at dahil din dito ay naging navy reservist ako. But I’m excited for everyone to watch our last few episodes because there are more surprises in store,” aniya pa.

Para naman kay Jasmine, “It was truly a blessing to have been part of something so big and so relevant to what we’re experiencing right now.
“To portray a character in a series that represented our frontliners is something I’m proud of. I’ll truly miss everyone here,” dagdag pa ng dalaga.

Ilan pa sa mga nakasama sa serye ay sina Renz Fernandez, Chariz Solomon, Andre Paras, Nicole Donesa, Reese Tuazon, Jenzel Angeles, Bobby Andrews, Paul Salas, Jon Lucas, Lucho Ayala at Prince Clemente.

Nasa cast din sina Neil Ryan Sese, Pancho Magno, Antonio Aquitania, Ricardo Cepeda, Ian Ignacio, Rich Asuncion, Carlo Gonzalez, Hailey Mendes, Marina Benipayo at Roi Vinzon.

Umani rin ng maraming parangal at pagkilala ang “DOTS” sa direksyon ni Dominic Zapata. Nitong nagdaang Agosto, itinanghal na Most Popular Foreign Drama of the Year ang serye sa 15th Seoul International Drama Awards.

Ito ang kauna-unahang Philippine TV program na nakatanggap ng nasabing award. Bukod dito, ginawaran din sa nasabing award-giving body si Dingdong ng Asian Star Prize.

Kaya tutukan ang pasabog na huling linggo ng “Descendants of the Sun: The Philippine Adaptation” sa GMA Telebabad, 9:15 p.m..

Read more...