Vice sa Tarlac double murder case: Bumalik ang putok ng baril, yung tatay ko na tila baboy na isinasakay sa jeep, yung mukha ng demonyo…

MULING naramdaman ng TV host-comedian na si Vice Ganda ang trauma nang paslangin ang kanyang ama matapos mapanood ang brutal na pagpatay ng pulis sa mag-inang taga-Paniqui, Tarlac.

Natulala at hindi makapaniwala ang komedyante sa ginawang pamamaril ni Police Senior Master Sgt. Jonel Nuezca sa kapitbahay na si Sonya Gregorio, 52, at sa anak nitong si Frank Anthony Gregorio, 25.

Nag-ugat lamang ang karumal-dumal na insidente sa paninita ng pulis kay Frank Anthony dahil sa paggamit nito ng boga na kadalasang ginagamit sa pagpapaputok tuwing Pasko at Bagong Taon.

Tulad ng panawagan ng ilang kapwa celebrities, umaasa si Vice na wala hindi na maulit pa ang ganitong klase ng pamamaslang sa mga inosenteng nilalang, lalo’t pulis pa ang sangkot.

Tweet ni Vice, “Natulala ako matapos ko mapanuod ung video. Bumalik yung trauma ko. Bumalik lahat ng pilit ko ng ibinabaon na alaala.

“Ung putok ng baril. Ung itsura nung tatay ko na parang baboy na sinasakay sa jeep. Ung mukha ng demonyo. Ang bigat ng nararamdaman ko,” ang pahayag pa ng Kapamilya TV host-comedian.

Kung matatandaan, walang-awang pinatay ang tatay ni Vice na si Reynaldo Viceral sa labas ng kanilang bahay ilang taon na ang nakararaan.

Barangay captain noon si Reynaldo nang maganap ang krimen.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakamit ng pamilya ni Vice ang katarungan dahil malaya pa rin at hindi pa nahuhuli ang killer.

Dagdag na mensahe pa ni Vice patungkol sa pagpaslang sa mag-inang binoga ng pulis, “Sana’y wag silang magaya sa Tatay ko na di nabigyan ng hustisya.

“Sana’y wag silang magaya sa pamilya namin na namanhid na lang sa tagal ng paghihintay ng katarungan. Sana wala ng makaranas ng kasamaang ito,” lahad pa ng komedyante.

Kaisa rin siya sa panawagan ng madlang pipol na agad mabigyan ng hustisya ang nangyari sa mga biktima gamit ang hashtags na #JusticeforSonyaGregorio, #JusticeforFrankGregorio, and #StopTheKillingsPH.

Sumuko na ang suspek na si Nuezca sa mga otoridad na haharap sa kasong double murder at iba pang administrative cases.

Read more...