Pacquiao sa viral b-day party: Hindi po kami nagpabaya…maingat tayong nag-celebrate

INASAHAN na ni Sen. Manny Pacquiao ang pambabatikos ng ilang sektor sa ginanap na birthday celebration niya kamakailan.

Ayon sa Pambansang Kamao, pinaghandaan nila ang nasabing selebrasyon at ginawa ang lahat ng dapat sundin sa ipinatutupad na health and safety protocols ng pamahalaan.

Ginanap ang 42nd birthday ng boxer-politician sa isang lugar sa General Santos City kung saan dumalo ang mahigit sa 40 katao.
Ani Pacquiao, 300 ang kapasidad ng venue at lahat ng imbitadong guest ay sumailalim sa PCR (polymerase chain reaction) test bilang bahagi ng protocol.

Kumalat sa social media ang mga litrato na kuha sa party ng senador kung saan makikita ang ilan sa kanyang mga bisita na walang face mask at face shield.

“Hindi po kami nagpabaya du’n. Alam po namin na magkakaroon ng issue na ganyan,” pahayag ni Pacman sa “Headstart” ng ANC Channel.
Dagdag pa niya, talagang istrikto nilang sinunod ang panuntunan sa pagsasagawa ng isang maliit na pagtitipon dahil naroon din ang kanilang mga anak.

Paulit-ulit ding sinabi ng senador na wala silang nilabag na batas o kautusan ng gobyerno na may kinalaman sa COVID-19 pandemic kaya wala siyang nakikitang issue sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan.

“Wala naman po, maingat tayong nag-celebrate ng birthday party natin. Although simple lang, ang focus na lang natin is yung pamimigay ng relief goods saka pera sa ating mga kababayan,” paliwanag pa niya.

Nauna rito, binati rin ni Jinkee sa Instagram ang asawa sa ginanap na birthday salubong nito. Aniya, “Happy, happy birthday, Man of God, my babe! I’m a blessed wife because I have a husband with a rich and golden heart.

“May God bless you more with His boundless love, calming peace, wisdom, knowledge, and heavenly joy. We love you so much!”

Ito naman ang naging mensahe ni Pacquiao, “Thank you, Lord, for the blessings and good health.” At ang kanyang wish naman ay, “Peace and prosperity in this country.”

Read more...