MATAPOS ma-bash nang bonggang-bongga at mura-murahin ng mga netizens, nag-sorry naman agad ang “PBB Connect” housemate na si Justin Dizon sa kapwa niya housemate na si Jie-Ann Armero.
Maraming nagalit at na-turn off kay Justin nang okrayin at laitin niya si Jie-Ann dahil hindi ito naliligo araw-araw. Nanawagan pa ang ilang netizens na patawan ng forced eviction si Justin dahil sa ginawa niya sa loob ng Bahay ni Kuya.
Sa isang episode ng “PBB Connect” naging emosyonal si Jie-Ann dahil sa nangyari pero humingi pa rin siya ng pang-unawa sa mga kapwa niya housemates.
Aniya, “Pasensya na kayo kasi minsan lang ako naliligo. Yun nga dahil wala kaming tubig nasanay ako.”
Kasunod nito, nilapitan muli ni Justin si Jie-Ann at humingi ng tawad sa mga nasabi niya, “‘Yun nga I really lacked understanding also na we don’t live in the same house…if ever you felt offended with those jokes I wanna say sorry for them kasi ‘yun nga I forgot to realize iba tayo.”
Dagdag pa niya, “I wanna say sorry if ‘yun nga for saying those jokes to you because, like, they are insensitive.
“Hindi ko naisip initially, you’re background and my background how different they are. So ‘yun nga I try my best to be more sensitive on how you feel,” pahayag pa ni Justin.
Sa pakikipag-usap naman niya kay Big Brother, sinabi niya na talagang nagkamali siya, “There was a very quick introspection on my part na parang, ‘Oh yeah Justin, you didn’t even think about that. It is still a responsibility to accept your mistake and learn something about it, apologize and you know magkaroon ka ng character development or something like that.'”
Nag-viral ang video clip na kuha sa loob ng PBB house kung saan maririnig si Justin na sinabihan si Jie-Ann ng, “Pinag-uusapan ka namin kasi hindi ka naliligo.”
Kasunod nito, nagpunas ng kamay ang binata sa tuwalya na nakabalot sa basang buhok ni Jie-Ann na nag-dialogue naman ng, “Okay lang. Tubig lang naman ‘yan eh.”
Pero humirit uli si Justin ng, “Pinaglawayan ko,” na tila gustong inisin ang kapwa niya housemate.
Sey naman sa kanya ni Jie-Ann, “Wala akong pakialam. Sanay na ako sa ganyan.” Na sinagot uli ni Justin ng nakakalokang, “Really? Sabagay, marumi ka nga pala.”
Sa lahat ng sumusubaybay sa “PBB Connect”, siguradong alam na nila ang pinanggagalingan ng mga sinabi ni Justin laban kay Jie-Ann pero sa mga hindi pa nakakaalam, mismong ang huli ang umaming hindi siya regular na naliligo sa bahay nila sa Sarangani.
“Minsan lang po kasi, kasi wala po kaming tubig minsan du’n,” sabi ni Jie-Ann kay Big Brother.
Aniya pa, “Opo kasi binibili pa po. ‘Yung tubig po namin du’n, isang container po, 12 pesos po. Tapos ‘yung container po namin, tatlo lang.”
“Para lang po sa mga pagsasaing tapos paghuhugas at pang-inom po. Kaya minsan po hindi ako nakakaligo,” dagdag pa niyang chika kay Big Brother.