Alden at Derrick first choice para sa BL movie na ‘The Boy Foretold by the Stars’

Sa nakaraang Zoom interview kina Direk Dolly Dulu, Rissey Reyes at Keann Johnson para sa pelikulang “The Boy Foretold by the Stars” ay natanong ang una kung sino ang unang pumasok sa isipan niyang bibida sa BL na pelikula.

Binanggit ni Direk Dolly sina Alden Richards at Derrick Monasterio kaya naghiyawan ang mga kasama sa Zoom interview.

“Noong unang pini-pitch ko ito, nasa wish list lang naman, alam ko namang hindi mangyayari pero ang nasa isip ko talaga sina Alden at Derrick.

“Bakit nga ba sila? Noong time na ‘yun, maingay silang dalawa. Saka pasok sila sa looks, pasok sa age, pasok sa acting.

“Sila talaga ang pini-pitch ko noong time na ‘yun, sina Alden and Derrick kahit alam kong hindi papayagan, ha, ha, ha,” tumawang sabi ng direktor.

‘Wag sanang lagyan ng ibang kahulugan ang sinabing ito ni direk Dolly dahil wish list lang naman niya na ibig sabihin ay mahusay sila talaga para sila ang nasa utak ng direktor.  At saka uso ngayon ang BL series at movies na karamihan naman sa mga gumanap ay pawang straight actor tulad sa Game Boys nina Elijah Canlas at Kokoy de Santos.

Anyway, nabanggit din naman ni Direk Dolly na perfect sina Adrian Lindayag at Keann sa “The Boy Foretold by the Stars” dahil ang ganda ng chemistry at bumagay sa kanila bilang mga high school students.

Kasama rin sa pelikula sina Iyah Mina at Renshi de Guzman at mapapanood na ito sa December 25 sa Upstreamph app handog ng Clever Minds at ni Jodi Sta. Maria.

Read more...