Ang mga eksenang lumuhod si ex-Senator Jinggoy Estrada para humingi ng tawad sa anak niyang si Edgar Allan Guzman as Neb, ‘yung confrontation scene na nagtatanong ang mga anak nila ni Sylvia Sanchez na sina Vin Abrenica, Shaira Diaz at Martin del Rosario kung bakit tinanggap pa ulit ang papa nila gayung iniwan sila ang dahilan kung bakit tumulo ang luha namin habang nanonood kami sa ginanap na press preview ng pelikulang “Coming Home.”
Bukod tanging sina Jake Ejercito (ibinigay ang isang kidney sa ama at sumakabilang buhay din kaya hindi alam ang ginawang pambabae ng ama) at si Julian Ejercito ang hindi galit sa kanilang ama at inunawa ito. Pero nagustuhan namin ang tanong ng huli, “Ni minsan ba hindi mo naisip kaming balikan? Aalis k aba ulit, papa?” Simple ang eksena pero tagos sa puso.
Ilan lang ito sa mga nagmarka sa amin sa “Coming Home,” na entry ng Maverick Films na line produced ng ALV Films ngayong Metro Manila Film Festival, mula sa direksyon ni Adolf Alix Jr.
Mas magandang panoorin na lang ito at tiyak na maraming miyembro ng pamilya ang makaka-relate sa dramang handog nina Senator Jinggoy at Sylvia. May twist ang istorya na talagang nagulat din kami.
Anyway, pagkatapos ng screening ay natatawang inamin ni Sen. Jinggoy na halos isang buwan niyang ininda ang sakit ng tuhod niya dahil sa eksenang lumuhod siya.
“Ang sakit ng tuhod ko do’n. Me edad na rin tayo,”sambit ng aktor na hindi naman nabanggit kung ilang beses kinunan ang ‘luhod scene.’
Inamin ding unang beses itong ginawa ni Sen. Jinggoy sa isang drama movie dahil iyon ang kailangan sa eksena para mapatawad siya ni EA na abot langit ang galit sa kanya.
Pagkatapos ng eksena ay inalalayan ni EA ang ‘papa Jinggoy’ niya sa pagtayo at bilin din ito ng direktor.
At dahil dito ay natanong tuloy si Sen. Jinggoy kung gagawin din ba niya ang pagluhod sa mga anak niya sa totoong buhay.
“Sa ngayon wala naman akong mabigat na kasalanan sa pamilya ko—slight lang. Hahaha!” tumawang sabi ng aktor/producer.
At ibinaling na ang usapan kay Sylvia na wala naman sa preview dahil kasalukuyan itong nasa lock-in taping para sa bago nitong teleserye sa ABS-CBN na ipalalabas next year.
Ayon kay Sen. Jinggoy ay nagpapasalamat siyang tinanggap ni Ibyang ang pelikula dahil pitong taong hindi na humarap sa kamera na mabuti na lang at nakasabay at hindi siya iniwan ng aktres dahil nagbibigay sa kanilang lahat.
“Napaka-galing na artista ni Sylvia. Napaka-galing pero napaka-lukaret. Sa lahat ng mga naging leading ladies ko, siya ang pinaka-luko-luko,” natatawang sambit ni Sen. Jinggoy.
Seryoso raw kasi ang mga eksena ay bilang magpapatawa ang aktres kaya lahat sila matatawa. At ang pinaka-matindi raw ay ang eksena noong malapit nang magtapos na todo acting na si Sen. nang bigla siyang gulatin ni Ibyang kaya naloka silang lahat. Maganda ang eksenang iyon.
Ayon pa ay may ni-reshoot na eksena si Sylvia para sa mas lalong ikagaganda bagay na okay na para kay Sen. kahit dagdag gastos pang inulit, pero nakita niya ang punto ng aktres.
Natawa naman kami sa sarili dahil tinawag naming ‘bugbugerong hubby’ si Luis Hontiveros dahil hindi kaagad siya nagpakilala. Siya ang asawa ni Shaira sa pelikula na ilang beses sinapak ni Ibyang.
In fairness, ipinagtanggol ni Alvin Anson si Luis, sabi niya, “Ako naman namamaril.” Hirit namin ay may dahilan kung bakit niya ginawa iyon, unlike ang huli ay basta na lang nanapak ng wala lang dahilan. At nagkatawanan na sila.
Kung hindi nagkaroon ng pandemya ay napanood na ang “Coming Home” sa MMFF Summer kaya nagpapasalamat ang lahat na nakasali ito sa MMFF na mapapanood na simula sa Disyembre 25 sa Upstreamph app.
Kasama rin sa pelikula sina Almira Muhlach, Ara Arida, Jana Agoncillo at Geneva Cruz.