Bawal na sa lahat ng pampublikong lugar sa Quezon City ang mga menor de edad.
Inaprubahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang Ordinance No. SP-2985, S-2020 o ang “Quezon City Special Protection of Children against COVID-19” na nagbabawal sa lahat ng mababa sa 18 taong gulang sa mga pampublikong lugar kahit may kasama pa silang magulang o guardian.
Layunin nitong panatilihin sila sa mga bahay at maipairal ang “Children Protection Hours” na 24 hours a day, seven days a week.
Ipinasa ang ordinansa batay sa rekomendasyon ng Philippine Pediatric Society na nagsasabing malaki ang tyansang mahawa sa COVID-19 ang mga menor de edad.
“Ang ordinansang ito ay batay sa rekomendasyon ng mga dalubhasa sa Philippine Pediatric Society na kailangang manatili ang mga menor-de-edad sa mga tahanan dahil malaki ang tyansa na sila’y mahawa,” ayon kay Belmonte.
Kabilang sa tinukoy na public places ay mga kalye, highway, sidewalks, parking lots, vacant lots, at common areas sa simbahan, apartment, buildings, office buildings, hospitals, schools, malls o shopping centers, commercial establishments at lugar ng entertainment gaya ng sinehan.
Inilatag naman ang sumusunod na exemptions:
- Kung ang menor de edad ay gagawa ng authorized employment activity na nangangailangan ng physical presence pero dapat kasama ang magulang o guardian
- Kung mangangailangan ng medical attention o may medical/dental appointments pero dapat kasama ang magulang o guardian
- Mayroong international o domestic air/sea travel
- Kailangang bumili ng essential goods
- May emergency situation gaya ng conflagration, earthquake, hospitalization, road accident, o iba pang sitwasyon na nangangailangan ng immediate action
Ang mga magulang o guardians ng mga menor de edad na lalabag ay pagmumultahin ng P300, P500 at P1,000 para sa first, second at third offenses.