MAHIGPIT ang bilin ng management ng isang network sa production staff and crew ng malaking programa na mas paigtingin pa ang kanilang pag-iingat ngayon sa taping.
Naglabas ng kautusan ang istasyon na triplehin ang paghihigpit sa kanilang mga artista dahil nga ilan sa kanila ay nagkaroon nga ng COVID-19.
Asymptomatic naman at magaling na rin ang mga nasabing artista pagkatapos ng halos isang buwang self-quarantine.
Hindi ito lumabas sa publiko para iwas tsismis na lalo’t malalaking celebrities pa ang tinamaan ng nakamamatay na virus.
Ang latest chika, isang aktor din na kasama sa nabanggit na programa ang nag-positive rin sa COVID na talagang ikinawindang ng management.
Siyempre, pati ang manager niya ay nataranta sa nangyari dahil may isa pang teleserye na sisimulan ang aktor.
Mabuti na lang asymptomatic din siya kaya umokey na pagkatapos nitong mag-quarantine ng 14 days.
Binantayan nang husto ang aktor habang naka-isolate ng two weeks at ilang beses din siyang nagpa-swab test para sure na clear na siya sa virus.
In fairness, nakabalik naman ang aktor sa programa, pero dahil may sisimulan siyang teleserye kaya nawala na rin ang karakter niya sa malaking programa.
Sa ngayon ay on-going ang lock-in taping ng aktor sa bago nitong TV series na isa siya sa lead actor at suportado ng veteran actors kaya talagang mapapalaban siya sa pag-arte.
Nabanggit din sa amin na maraming artista na kasali sa nabanggit na bagong protekto ng aktor ang nag-positibo rin sa COVID-19.
Hindi lang kami sure kung lahat sila ay gumaling na o nagpapagaling pa rin hanggang ngayon. Kaya nga talagang dapat triple pa rin ang gawing pag-iingat ngayon sa mga taping dahil patuloy pa ring dumarami ang tinatamaan ng virus.