Babala ni Jessy sa bashers: Hindi kami papayag na sirain n’yo ang kaligayahan namin!

HINDING-HINDI hahayaan nina Jessy Mendiola at Luis Manzano na sirain ng mga taong walang magawa sa buhay ang kanilang relasyon.

Pagkatapos ng madamdaming vlog ng aktres kung saan isa-isa niyang sinagot ang mga isyung bumabalot sa marriage proposal ng kanyang fiancé na si Luis, nagbigay ito ng mensahe sa lahat ng bashers at haters.

Ayon kay Jessy, mas magpo-focus na sila ni Luis ngayon sa mga susunod nilang plano bilang engaged couple kasabay ng pagmu-move on mula sa kaliwa’t kanang pang-iintriga ng mga taong hindi masaya para sa kanila.

Sa isang Instagram post ng aktres kung saan makikita siyang naglalakad sa beach, ipinagdiinan ni Jessy na mas lalo siyang naging matapang at matatag dahil sa mga pinagdaanan nilang challenges ni Luis.

Aniya sa caption, “Moving forward with positivity. I am not afraid because I too, deserve peace and happiness.”

Sa isa pa niyang IG photo, ibinahagi naman ng aktres kung gaano siya  kaligaya ngayon sa piling ng kanyang partner at kung gaano na siya ka-excited “to start a new chapter with the love of my life.”

“We will never let anyone ruin our happiness. Love will always prevail,” mensahe pa ni Jessy na sinagot naman ni Luis sa comments section ng, “I love you!”

Nitong nakaraang araw, umiiyak na ipinaliwanag ni Jessy ang tungkol sa reklamo ng kaibigan niyang jewelry maker na hindi sila binigyan ng  credit bilang “original creators” ng suot niyang engagement ring.

“Luis had the ring made last September 2019. He bought the diamond from Radiant Lux Jewelry and nabayaran niya ng buo ‘yung diamond na ‘yun  Unfortunately, maraming bagayang nangyari.

“May 2020, Luis and I went through something to the point na naghiwalay kami and this person from Radiant Lux Jewelry was a good friend of mine. I trusted her. We both trusted her, Luis and I.

“We had good faith her that’s why siguro Luis chose her to make my ring kasi friend ko siya. Well, she was my friend,” paliwanag ni Jessy.

“Nu’ng naghiwalay kami ni Luis… ‘yung taong ‘to nandu’n siya for me. Hindi ko alam ‘yung intensyon niya nu’ng time na ‘yun, ‘yung purpose niya nu’ng time na ‘yun. But she was there as a friend,” aniya pa.

Patuloy pa niya, “I just found out about this nu’ng magkaayos na kami ni Lu na during the time na hindi pala kami okay, siyempre ‘yung ring na fully paid na, she kept badgering Luis to get the ring even nu’ng hindi pa kami okay ni Luis.

“Dumating sa point na for whatever reason, I don’t know kung ano ‘yun, she showed me the ring. And she opened the box in front of me knowing na hindi kami okay ni Luis. She let me wear the ring.

“So can you imagine the feeling ng babae na hindi kayo ayos nu’ng boyfriend tapos pinasuot sa’yo ‘yung ring. Naisip mo what could’ve been na kung okay kaya kami ni Luis, magpo-propose kaya siya? Kailangan ba umabot sa ganitong point na ibang tao ‘yung magsasabi sa akin?” mahabang depensa pa ng dalaga.

Ayon pa kay Jessy, nang magkabalikan sila ni Luis, kinuna nito ang singsing mula sa kaibigan nila sa Radiant Lux Jewelry para ipa-reset sa Manila Diamond Studio para mabura nang tuluyan ang hindi magandang nangyari sa kanilang nakaraan.

Read more...