Payo ni Vice sa mga magulang: Pag bini-baby nang bini-baby, nabobobo ang bata

NAGKAROON nang masinsinang pag-uusap sina Vice Ganda at Ryan Bang kamakailan tungkol sa issue ng “paghihiwalay.”

Parang tunay na mommy na nga ang turing ng Koreanong komedyante kay Vice dahil mula noong mapadpad siya sa Pilipinas ay ang TV host-comedian na ang kasa-kasama niya na parang pamilya.

Kaya naman ang palaging sinasabi sa kanya ni Vice ay matuto na rin itong mabuhay nang “independent”  dahil hindi raw sa lahat ng pagkakataon ay magkasama sila.

Napag-usapan nila ang tungkol dito nang mag-share ng kanyang saloobin ang “Tawag ng Tanghalan” contestant na si Donna Gift Ricafrente sa pagkawala ng kanyang ama eight years ago.

At dahil nga rito, nabanggit ni Vice ang pag-uusap nila ni Ryan kamakailan, “Umiiyak siya, sabi niya sa akin, ‘Pag wala ka sa tabi ko, hindi ko kaya.’ Pinapagalitan ko siya.”

“No, ayoko ng lampa. Kung lampa ka, hindi kita anak. You have to be your own strength. I can’t be your strength all the time.

“Huwag kang umasa na nandito ako forever. Darating ang oras na iiwanan kita, Ryan. At dapat kaya mo ‘yon. At dapat, ngayon pa lang, handa ka doon,” chika pa ng TV host-comedian.

Sa puntong ito, pumunta sa stage si Ryan at sinabihan si Vice ng, “Bakit tayo maghihiwalay? Bakit hindi tayo magkikita, e sasama nga ako sa ‘yo kahit saan ka pumunta?”

Sagot naman ni Vice sa kanya, “Ryan, I want you to be strong, and when you are strong, I am happy.

“Hindi tayo maghihiwalay kasi karugtong ka ng puso ko. But physically, we will have to be away from each other in time,” paliwanag pa niya.

Sumang-ayon naman sa kanya ang Koreanong may pusong Pinoy at nag-dialogue ng, “Promise, hindi ako nagpapatawa, malayo pa ‘yan. Gusto ko, magkasama tayo more than 20, 30, 40 years.”

Samantala, seryoso namang nagbigay ng payo si Vice sa lahat ng magulang na may mga anak na nakagagawa ng sablay o maling desisyon sa kanilang buhay.

“Hayaan niyo silang magkamali, hayaan niyo silang mag-decide. Tapos pag nagkamali, tsaka niyo sila suportahang magkabangon.

“Pero hayaan niyo rin silang madiskubre kung paano sila babangon, kung paano nila matatama ang kanilang mga pagkakamali.

“Hindi puwedeng sinusubuan natin nang sinusubuan. Kapag bini-baby nang bini-baby, nabobobo ‘yung mga bata.

“Nahihirapan sila paglabas ng bahay. Hindi na nila alam kung paano sila haharap sa hamon ng mundo, kung hindi kayo katabi,” paliwanag pa ni Vice Ganda.

Read more...