UNCONSTITUTIONAL ang extension ng Bayanihan Law 2

Nagpalabas ang Pangulo ng certificate of urgency para sa House Bill No. 8063 noong December 14. Dahil dito, agaran naman tinalakay, inaprubahan at pinasa ng Kamara (House of Representatives) ang nasabing panukalang batas noon ding araw na iyon.

Ang certificate of urgency ng Pangulo, ayon sa constitution, ay nangangahulugan na ang isang panukalang batas (bill), gaya ng House Bill No. 8063, ay maaari ng talakayin, aprubahan at ipasa ng Kamara at Senado sa loob ng isang araw kung gugustuhin nito. Hindi na kailangan dumaan pa ang panukalang batas sa 3 days separate reading rule na tinakda ng Article 6 Section 26 (2) ng Constitution upang ito ay maaprubahan at maipasa ng Kamara at Senado.

Ang House Bill No. 8063 ay isang consolidated bill na naglalayon na palawigin (extend) ang Bayanihan Law 2 hanggang sa March 27, 2021.

Tinalakay, inaprubahan at pinasa naman ng Senado ang kanilang sariling version ng extension ng Bayanihan Law 2 noong December 15.

Sa version ng Senado, ang pinalawig o ang binigyan ng extension ay ang mga ibat-ibang appropriations na nakalagay sa Bayanihan Law 2 at hindi ang mga kapangyarihan na binigay sa Pangulo. Pinalawig ito hanggang sa katapusan ng June 2021.

Habang ang column na ito ay sinusulat, hindi pa napapag-usapan sa “super congress” o mas kakilala sa tawag na bicameral conference committee kung papano pagtutugmain ang dalawang magkaibang version ng Kamara at Senado.

Assuming na epektibo at may bisa pa ngayon ang Bayanihan Law 2, ang aking pananaw ay hindi maaaring palawigin o extend ang Bayanihan Law 2 hanggang March 27, 2021 o kailan pa man.

Sa mga nakalipas na araw, tinalakay at sinabi sa column na ito na ang emergency powers ng Pangulo na nakalatag sa Bayanihan Law 1 (RA No. 11469) at Bayanihan Law 2 (RA No. 11494) ay kusang titigil at mawawalan ng bisa sa oras na mag-adjourned ang Kongreso.

Ito ay dahil ayon sa Article 6, Section 23 (2) ng Constitution, ang emergency powers na pansamantalang binigay sa Pangulo ay titigil sa susunod na adjournment ng Kongreso.

Nakatakdang mag-adjourn ang Kongreso sa December 19 at dahil dito lahat ng emergency powers ng Pangulo na pinagkaloob ng Bayanihan Law 2 ay awtomatiko o kusang mawawala sa araw na ito.

Wala ng ii-extend o palalawiging Bayanihan Law 2 mula December 19 hanggang March 27, 2021 o kailan pa man dahil ito ay magtatapos at titigil na at hindi na magiging epektibo mag-mula sa December 19. Kaya ano pa ang i-extend o palalawigin ng mga panukalang-batas o batas na ito?

Maisabatas man ang House Bill No. 8063 bago ang adjournment ng Kongreso na magaganap sa December 19, ang Bayanahina Law 2 (as extended) ay titigil pa din sa December 19 dahil ito ang inuutos at itinakda ng Constitution.

Anumang batas ang ipasa ng Kongreso para i-extend ang epektibo o buhay ng Bayanihan Law 2 na lalagpas sa December 19 ay isang paglabag sa pinaguutos at tinakda ng Constitution. Kaya ito ay maituturing isang UNCONSTITUTIONAL.

Kung sa pananaw ng Kongreso ay kailangan pa ng Pangulo ang emergency powers, ang nararapat nitong gawin ay magpasa ng BAGONG Emergency Power Law na gaya ng Bayanihan Law 1 at Bayanihan Law 2 at hindi extension ng Bayanihan Law 2.

Walang pinagbabawal sa Constitution na gawin ito ng Kongreso. Ang sinasabi ng Constitution ay dapat may isang emergency crisis na umiiral. Walang duda, ang Covid-19 crisis ay umiiral pa din ngayon at tila magtatagal pa, kaya mayroon pa din basehan na bigyan muli ng  Kongreso ang Pangulo ng bagong emergency powers na katulad ng Bayanihan Law 1 at Bayanihan Law 2 na naaayon at alinsunod sa Article 6, Section 23 (2).

Sa bagong Bayanihan Law, maaari pang dagdagan ng Kongreso, kung kailangan, ang kapangyarihan ng Pangulo, para labanan at puksain ang Covid-19 crisis.

Maaari din naman magpasa ang Kongreso, anumang oras, ng isang batas kung saan pagkakalooban ang Pangulo ng mga ilang kapangyarihan para labanan at sugpuin ang Covid-19 crisis na HINDI alinsunod sa Article 6, Section 23 (2). Ito ay ginawa at nangyari sa panahon ng dating pangulong Fidel Ramos ng ipasa ng Kongreso ang RA No. 7648  noong April 3, 1993 upang solusyonan ang electricity power crisis na umiiral noon.

Read more...