Medical group nababahala sa planong bigyang prayoridad sa Covid vaccine ang mga mambabatas, staff ng Kamara

Photo: Grig C. Montegrande

Nagpahayag ng pagkabahala ang isang  medical group sa plano ni House Speaker Lord Allan Velasco na unahing mabakunahan ang may 8,000 kawani ng Kamara de Representantes.

Ayon kay  Dr. Nemuel Fajutagana, chairman ng Medical Action group, nakakatakot ang ganitong mga pahayag dahil maaari talagang mangyari na mauuna sa bakuna ang mga kongresista at kanilang staff lalo pa at sila ang may hawak ng budget.

“Baka naman ito ay maging in aid of reelection to some people,” ani Fajutagana. “May magandang plano sa distribution ng vaccine… Pero papaano kaya natin maga-guarantee na iyong ating plinano na those supposed to be given priority will really get that material or that vaccination,” dagdag pa niya.

Ginawa ni Fajutagana ang pahayag matapos na sabihin ni House Secretary General Dong Mendoza na prayoridad ni Velasco na mapabakunahan ang may 8,000 miyembro at kawani ng Mababang Kapulungan sa oras na maging available na ang COVID-19 vaccine.

Umapela ang MAG kay vaccination czar Charlie Galvez na tiyakin ang transparency sa pamamahagi ng COVID-19 vaccine at hindi iayon ito sa kagustuhan ng mga mambabatas.

“Limited pa lang ang availability ng vaccine, kaya mauna dapat yung vulnerable sector. The civil societies and NGOs should really monitor the distribution to ensure transparency.Ayaw natin sanang mangyari, disenfranchisement. Ang problema dito kung na-disenfranchise ka because some people used their power of the purse, parang yung Congress nga eh, because they control the budget eh,” paliwanag pa nito.

Aminado ang grupo na pabor sila sa planong distribution ng bakuna ng Department of Health (DoH) ngunit ang malaking isyu ay kung paano ito mapoprotektahan.

“Ang ano na lang namin dito ay how do we safeguard that plan, and how do we make sure that selection, the implementation of those who were selected really, identified as vulnerable were really be receiving such services as planned, without political pressure coming from those who are controlling the purse,” dagdag pa nito.

Nagbabala din ang grupo laban sa paggamit ng mga mambabatas sa bakuna para bumango ang kanilang pangalan para sa 2022 election.

“Ang fear talaga itong bakuna being used as an election event. Baka may bakuna dyan may pangalan pa kung sinong magbibigay niyan eh,” giit pa ni Fajutagana.

Ang pangako ni Velasco na uunahin ang mga mambabatas at empleyado na makatanggap ng COVID vaccine ay sa harap na rin ng paglobo ng kaso sa Kamara na umabot sa 98 kaso nito lamang buwan ng Nobyembre.

Read more...